Isang heneral lang

NAGTAGUMPAY si Pangulong Benigno Aquino at kanyang mga kaalyado sa kagustuhang maipakulong si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ayon sa nakararami ay tiwali dahil sa pagkakasangkot nito sa iba’t ibang pandarambong sa perang dapat sana ay nailagay sa kaban ng bayan upang pakinabangan ng mga Pilipino.

Si Supreme Court Chief Justice Renato Corona ang kasunod sa talaan ni PNoy na papasok sa kulungan dahil sa pagiging protektor umano ni Arroyo at mga kaalyado nito. Naging mabilis ang impeach-ment ni Corona sa Kamara dahil sa paninilaw umano ni PNoy sa mga mambabatas gamit ang pork barrel. Marami sa mga mambabatas na ito ay dating kaalyado ni Arroyo na tumiwalag nang pumanaw si dating Pang. Corazon Aquino dahil alam nilang eeksena si Noynoy sa halalang pampanguluhan.

Kahit pa nasilaw ni Aquino ang mga dating kaututang-dila ni Gloria sa kinang ng pork barrel, dapat ding maisip niya na posibleng magawa rin ng mga ito ang ilaglag siya sa ngalan ng pera, kasikatan at kapangyarihan.
May kasabihan nga “Don’t do unto others what you do not want others do unto to you.” Sa Pilipino, huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo.

Paano kung umalma na ang mga tao sa ginagawa niyang panggigipit kay Corona at mga kakampi gamit ang resources ng pamahalaan? Mapipigil ba ni Noynoy ang mga ito?  O lalaban siya gamit ang mga heneral na dating maka-Estrada pero tumawid kay Gloria at ngayon ay nasa puwesto na ng pamahalaan dahil sa pagi-imbento ng report tulad ng “August Moon” at “No-El” para lang mapalapit sa kanya?

Nawa’y maisip ni PNoy na masarap ang ganti, sa tulad ni Arroyo na nagsamantala sa kapangyarihan at pera na dapat sana ay pinakinabangan ng mga mamamayan, kung panahon na ang gagawa ng paraan. Masaya ba siya kung makikita niya si Arroyo na nakapiit nga sa magandang kulungan at maayos ang takbo ng buhay?

Hindi ba mas maganda kung karma ang gagana? Hindi pa ba karma ang kinasapitang sakit ni Gloria? Bunga iyan ng katitingala niya sa mga taong kausap niya (joke lang!). Huwag na sanang asamin ni Aquino ang parusang siya ang gumawa pero dadalhin naman ng kunsensiya niya.

Kung talagang gusto ni Aquino na tahakin ang tuwid na daan, huwag niyang paboran ang mga dating kaalyado ni Arroyo na tumawid sa kanyang bakod at sobra-sobrang pagbalimbing ang ginawa para lang maligtas sa kalokohang ginawa. Hayaan niya silang maparusahan at makulong.

Patunayan ni Noynoy na hindi siya protektor ng mga heneral na nagkamal din ng milyon-milyon sa tulong ng mga Arroyo. Maganda kung maipakukulong din niya ang mga ito. Isang heneral lang ang maipakukulong niya at tiyak na marami na ang maniniwala sa kanyang layunin na tahakin ang tuwid na daan. Sa madaling salita, marami ang titino dahil alam nilang hindi na nagbibiro ang Pangulo sa pagbabagong nais niya sa Pilipinas.

Marami ang maniniwala kay PNoy na daang matuwid ang ipatutupad niya sa kanyang panu-nungkulan. Kaya PNoy, isang heneral lang..

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan  ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari   kayong magtext sa 09215175814 o mag-email sa Santi _lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply