It’s the economy nga!

ANG mga katotohanan o facts at ang ebalwasyon sa mga ito.

Tingnan natin ang Singapore, isang bansang napakaliit. Sa liit nito ay tinatawag nga itong “city-state.” Ibig sabihin, ang bansang Singapore ay isang siyudad lamang ang laki. Maikukumpara ito sa Quezon City lamang.

Pero higante ang ekonomiya nito. Isa sa pinakamatatag at kinaiinggitan. Oo nga’t ang kinikita ng isang indibiduwal na Singaporean ay isa sa pinakamataas sa buong mundo. Ibig sabihin, halos lahat ng mga nakatira dito ay mayayaman; halos walang naghihirap dito.

Ikumpara natin ang hilig sa pulitika ng mga Singaporean sa mga Filipino. Wala sila sa kalingkingan ng pagka-obsess ng mga Pinoy sa pulitika.

Masasabi nating isinuko na halos ng mga Singaporean ang kanilang karapatang pampulitika sa kanilang dating Prime Minister na si Lee Kuan Yew at mga sumunod sa kanya.

Pero ang kapalit ng pagkawala ng kanilang political rights ay ang pang-ekonomiyang kaginhawang tinatamasa nila noon at ngayon.

0o0o0

Hindi ko sinasabing sumunod tayo sa yapak ng Singapore, mga ‘tol. Ang punto ko ay ang magbabala baka sa sobrang tutok natin sa isang bagay (na ‘yun pala ay wala namang gaanong halaga) ay nakaliligtaan na natin ang mga mas importanteng bagay.

“It’s the economy, stupid,” sabi ni Clinton. “It’s the economy, student,” ‘ika naman ni Gloria kay PNoy.

Sa ating sektor ng transportasyon, dapat marahil nating rendahan ang ating pagkalulong sa pulitika.

Panahon nang sa pangkabuhayang aspeto naman ang dapat nating titigan. Dati kasi ay tinitingnan lamang natin ito. Malaki ang pagkakaiba ng tinitingnan sa tinititigan.

Ngayon ay magpupulong ang humigit-kumulang na 60 kinatawan ng mga TODA, PODA at JODA ng Lungsod ng Marikina. Mga pangkabuhayang proyekto ang pag-uusapan.

Good luck sa atin, mga kasama. Kahit sa panahong ito lamang, sabihin natin sa ating mga sarili: “It’s the economy nga!”

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply