Itaas ang sahod

SANA mabigyan ng pansin ng pamahalaang Aquino ang daing ng mga guro na maitaas ang kanilang sahod upang hindi na ang marami sa kanila ay mabaon sa utang o mahiwalay sa pamilya dahil sa pangingibang-bayan para lang kumita ng mas malaking halaga.

Ito ang hiling ng isang guro na nagpadala ng mensahe sa PAKUROT sa pamamagitan ng text message.

Ayon sa guro, tulad ng mga sundalo at pulis, marami rin sa kanila, tulad ng mga nasa liblib na lugar, ang malaki ang sakripisyo sa buhay para lang makapagturo at mahubog ang ugali, karunungan at angking galing ng estudyante. May ilan din sa kanilang nagbubuwis hindi lang ng kinabukasan at pamilya ngunit maging ng sariling buhay.

Marami sa kanila ang tumatayong magulang na ng mga mag-aaral sa eskwelahan at ibinibigay ang oras para lang masiguro na magiging maayos at maganda ang kinabukasan ng mga pinag-alayan ng sariling buhay.

At ayon nga sa gurong nagpadala ng mensahe, tila napabayaan na ng pamahalaan ang mga guro na nagbibigay ng kaalaman sa mga mag-aaral.

“Hindi naman tayo magkakaroon ng mahuhusay na abogado, inhinyero, negosyante, pulis at iba pa kung hindi naman sila inaruga at tinuruan ng mga guro na sa totoo lang ay halos tulad ng mga estudyante na nagsusunog ng kilay,” ayon sa guro.

Kung nagtaas man ng sahod noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, iyon ay napakaliit kumpara sa itinaas na halaga ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.

Ang sinasahod umano ng mga guro ay hindi pa makabubuhay ng pamilya at hindi nila maipadadala sa magagandang paaralan sa kolehiyo ang kanilang mga anak.

Maaaring medyo naayos ang sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan sa pagtaas ng sahod ng mga ito noong panahon ni Arroyo. Pero marami sa mga guro sa mga pribadong paaralan ang hindi naman maayos ang kita ng ilan sa mga ito ay nagtitiyaga lang dahil walang mapasukan. Kailangan nila ang pagkakakitaan.

Sana naman ay maayos na ng pamahalaan ang sistema ng edukasyon sa bansa at bigyang atensyon o pagpapahalaga ang edukasyon ng mamamayan dahil ayon nga sa pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal “Ang Kabataan Ang Pag-asa ng Bayan.”

Paano maaayos at aasenso ang Bayan kung kumakalam ang sikmura ng mga mamamayan?

Ngayon pa lang ay iayos na ang kinabukasan ng mga kabataan upang sila ang magbigay ng dangal at sigla sa bayan.

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi _lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply