Janelle inaming nakatikim ng pagmamalupit ni Ramgen

IBINULGAR ni Janelle Manahan na maging siya ay dumanas umano ng kalupitan ng kanyang napaslang na kasintahang si Ramgen Revilla sa panahon ng kanilang pagsasama.

Batay sa pahayag ng abogado ni Manahan na si Atty. Argee Guevarra, matapos magpasya si Janelle na aminin ang umano’y pagiging malupit, hindi lamang sa kanya kundi maging sa mga kapatid ng napaslang na kasintahan.

Ayon kay Atty. Guevarra, ililihim na sana ng kanyang kliyente ang pagiging malupit ng kanyang kasintahan upang hindi mabahiran ang pagkatao at magagandang ala-alang iniwan ni Ramgen subalit napilitan siyang ibulgar ito dahil hinihingi na ng pagkakataon.

Idinugtong ni Atty. Guevarra na hindi lamang kay Janelle malupit si Ramgen kundi maging sa mga kapatid nito na posibleng naging daan ng magkakapatid upang planuhin ang pagpaslang.

Ikinuwento umano ni Manahan na may insidente na nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo ni Ramgen at nang umawat si Ramona ay dito nabaling ang ngingit hanggang sa nasapak ng kanyang kuya.

May pangyayari rin umano na muntik nang dalhin sa ospital si Manahan nang minsan silang mag-away ni Ramgen dahil binugbog siya ng husto ng kasintahan.

Sinabi ni Guevarra na kabaligtaran ito sa sinasabi ni Genelyn na mabait, maunawain at matulungin ang kanyang napaslang na anak lalu na’t mismong ang kasintahan na ang nagbulgar ng ginagawang kalupitan nito sa kanya at sa mga kapatid.

Ito rin umano ang posibleng dahilan kaya’t mismong ang pamilya ni Ramgen ang nagpakalat ng sex video ng magkasintahan na pinagpiyestahan sa internet.

Ayon naman kay Atty. Resty Mendoza, isa sa mga abogado ng pamilya Manahan, unti-unti ng nakakabangon ang kanilang kliyente mula sa sakit na idinulot sa kanyang pagkatao ng kumalat na video habang hinihintay na rin nila ang resulta ng imbestigasyon ng Women and Children’s Protection Center ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na tutukoy kung sino ang nagpakalat nito.

Samantala, nauna ng nagbigay ng impormasyon ang kampo ni Manahan kung saan nabatid na sa Europa in-upload sa YouTube ang naturang sex video na hinihinalang kagagawan ni Ma. Ramona na iniulat na nasa Turkey.

Dismayado rin ang kampo ni Manahan sa pagkakabinbin ng resolusyon sa inihain nilang kaso laban sa mag-asawang Gail at Hiro Furuyama matapos bumitaw sa kaso si Parañaque Assistant City Prosecutor Leah Roma.

Sinabi ni Atty. Guevarra na mabibinbin ng matagal ang kaso dahil muling babasahin ng papalit na taga-usig ang mga dokumento kaya’t posibleng abutin muli ng isang buwan bago maibaba ang resolusyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply