Kabado ang Noranians sa operasyon ni Ate Guy sa lalamunan

LAHAT yata ng mga Noranian ngayon ay kabado at nagdarasal na sana’y maging maayos ang operasyon sa lalamunan ng kanilang idolong si Nora Aunor. Dito raw kasi nakasalalay kung makababalik pa sa dating tikas ang boses ni Ate Guy. Kapag pumalpak ang operasyon (na gagawin daw ng mga espesyalista sa lalamunan sa isang mamahaling hospital sa Boston) ay forever nang tutula na lamang ang Superstar.

Hahahaha! Pero kung okey naman at positive ang resulta, tuloy ang ligaya. Sasalang agad siya sa isang big concert sa Smart-Araneta.

At sabi’y kapos sa pera si Bulilit. Hindi na raw problema ngayon dahil marami na ang nakaabang sa kanya sa Boston para mag-share ng kanilang dolyares sa mga gastusin sa ospital, sa gamot at sa pagpapagaling ni La Aunor.

Pero may ilang movie scribes ang nagsasabing magpapahinga lang daw si Nora sa Tate. Wala naman daw dapat ipangamba ang lahat lalo na ang kanyang mga tagahanga dahil walang operasyon sa lalamunan na magaganap, oks naman daw ang throat ng idolo nila. ‘Yung sugat daw nito sa lalamunan ay naghilom na. Ang meron ay operasyon pahinga lang. Hehehe!

Sabi pa, hindi na raw maibabalik ang lalamunang sira na. Kahit sino pa umanong magaling na doktor hindi mareresolba ang lalamunang na-damage at naapektuhan ang boses. Ang naaayos lang daw ay ‘yung bara-bara, laman na tumubo, kung may plemang nakadikit at nicotine na nakatapal.

Ewan lang. hindi naman kami doktor. Naririnig lang namin ‘yun. Kaya ang mga fan ni Ms. Aunor ay huwag nang mangamba dahil walang panganib na nakaamba sa inyong idolo.

‘Yun na!

o0o

Para sa ‘Krusada’ na isulong ang turismo ng bansa… Charie, ipinakilala ang mga ‘di kilalang lugar sa Pinas

HINDI lang Boracay at Chocolate Hills ang maaaring ipagmalaki ng Pilipinas. Para patunayan iyan, magbabalik-telebisyon ang batikang mamamahayag na si Charie Villa bukas (Jan 12) sa “Krusada” upang ipakilala ang mga hindi pa natutuklasan at kilalang lugar sa Pilipinas sa pamamagitan ng internet travel portal na ‘Choose Philippines.’

Lilibutin ni Charie, na siya ring news head ng ABS-CBN Regional Network Group (RNG), ang Laoag, Pagudpod, Burgos, Bangui, at Adams sa Ilocos upang alamin kung bakit hindi pa rin umaarangkada ang turismo sa mga ito. Maraming lugar sa bansa ang hindi pa matawag na ‘tourist spots’ dahil walang mga taong dumaragsa rito.

Ayon sa datos, sampung Pilipino ang nagkakaroon ng hanapbuhay sa bawat dayuhan na lilibot sa Pilipinas. Ani Charie, magandang plataporma ang ‘Choose Philippines’ upang tulungan ang locals dito sa kanilang kabuhayan.“Ang talagang papel ng turismo, ang magbukas ng maraming oportunidad at pasiglahin ang kabuhayan sa bansa. Kaya lang, mayroon pa ring mga magagandang problema na kailangang harapin.

Magagandang problema, dahil pwede pa silang lutasin kung ipagbibigay-alam lang sa mga tao at sa pamahalaan,” sambit niya. Inilunsad ng ABS-CBN RNG ang ‘Choose Philippines’ website (choosephils.com) noong Abril ng nakaraang taon upang bigyan ang mga Pinoy at banyaga ng tama at up-to-date na impormasyon tungkol sa mga lugar, pagkain, produkto at kultura ng Pilipinas.

Tuklasin ang yaman at ganda ng Pilipinas. Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, makinig at makiisa sa kampanya ni Charie bukas (Jan 12) sa “Krusada” pagkatapos ng “Bandila” sa ABS-CBN o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), 9:15 pm.

o0o

Para sa inyong mga opinyon at reaksyon, tumawag lamang o magtext sa  #09074582883 o kaya’y mag-email sa kuya_abepaul@yahoon.com at maaari  n’yo rin kaming silipin sa aming Facebook account, i-type lamang ang aming  pangalan. Mabalos!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply