Kalamidad kasunod ng maraming proyekto

HINDI matatawaran ang pangarap ni Pangulong Noynoy na mapaunlad ang mahal kong Pinas.

May nakaplanong nasa P700 bilyong halaga ng proyektong imprastraktura na isasagawa ng kanyang pamahalaan.

Kalsada, tulay, dam, pier, paliparan, eskwelahan, gusaling pampamahalaan, planta ng kuryente at marami pang iba.

Baka madagdagan pa ang mga ito, depende sa nakikitang pangangailangan ng mamamayan dahil sa pagsulpot ng maraming pangyayari gaya ng iba’t ibang uri ng kalamidad.

Ngunit dapat na timplahin ng husto ng pamahalaan ang kilos nito dahil baka pagmulan naman ang mga proyekto ng mga malalaking problema gaya ng mga kalamidad sa baha, landslide at tsunami.

Bukod siyempre ang pinaghalong masama at mabuting ibubunga ng inaasahang grabeng trapik dahil sa mga proyekto.

YAMAN NG BANSA KAKALKALIN

Sa dami ng mga proyekto, tiyak na darami ang mga bundok o patag na pagkukunan ng mga bato, semento, panambak, kahoy at  iba pa.

Maging ang mga ilog, baybaying dagat at iba pang lugar ay pagkukunan din ng mga bato, buhangin, panambak at iba pa.

BUNDOK, PATAG MABABAGO

Kailangan ang pagkakaroon ng quarry para sa bato, buhangin, semento, panambak at kahoy.

Dahil sa dami at laki ng mga proyektong itatayo, tiyak na may mga mapapatag na bundok at lalalim na mga patag dahil sa pagku-quarry.

Alangan namang mag-iimport ang gobyerno ng mga materyales na ito.

Kasama sa mga mawawala ang mga punongkahoy na masasagasaan.

At kung mapapatag ang mga bundok, lalalim ang mga patag at mawawala ang mga punongkahoy ano sa palagay ninyo ang susunod?

PAG-QUARRY SA MGA ILOG

Alam ba ninyo, mga Bro, ang isa sa mga pinakamahalagang sinisilip ng mga kontraktor kung sila’y sumasali sa mga proyektong imprastraktura?

Siyempre, ang lapit o layo ng mga pinagkukunan ng mga bato, buhangin, panambak, kahoy, semento at iba pa.

Heto ngayon ang isang punto.

Doon sa malalapit sa mga ilog interesado ang mga kontraktor na sumali sa subasta.

Dahil malalapit lang sa kanila ang mga pupuwedeng gawing quarry.

Heto pa ang isang punto: makaaasa sila ang tiyak ng mas malaking tubo sa proyekto dahil sa liit ng gastos nila sa pagbibiyahe ng mga materyales.

At alam ba ninyo ang delikadong anomalya rito?

Anak ng pitong putakte, doon sa mga malalapit sa paanan ng mga tulay paboritong mag-quarry ang mga kontraktor.

Kung dumating ang tag-ulan at tagbaha, ano sa palagay ninyo kung bakit ang daming nagigibang mga tulay at mga kalsadang nakatayo?

SIRANG MGA KALSADA, TULAY

Habang gagala ang di mabilang na malalaking trak gaya ng mga 10-wheeler hanggang 24-wheeler para maghakot ng mga bato, buhangin, semento, panambak at iba pa, daraan ang mga ito sa mga lansangan na sadya lamang para sa mga 6-wheeler na mga kalsada at tulay.

Alam naman ninyo, mga Bro, ang maraming kalsada at tulay na nakatayo sa mahal kong Pinas.

Maraming gawa rito na nababagay lang sa mga 6-wheeler at 10-wheeler.

Paano ang pagdaan dito ng mga napakalalaki at napakabibigat na mga trak na magsusuplay ng pangangailangan ng mga proyekto?

Ano sa palagay ninyo ang mangyayari sa mga kalsada at tulay na ito?

KINORAP NA MGA KALSADA, TULAY

Nakababahala, mga Bro, ang kalsada at tulay na daraanan ng mga transport truck.

Nadisenyo at nagawa na nga ang mga ito para sa mga trak na tumatakbo sa 20 hanggang 40-anyos ang nakararaan, puno pa ang mga ito ng anomalya.

Sa ibang salita, mga Bro, substandard ang mga bakal, timpla ng semento at iba pa ang ginawa sa mga ito.

Ano sa palagay ninyo ang mangyayari sa pag-andar ng mga proyektong imprastraktura ni PNoy?

LALALA ANG MGA KALAMIDAD

Heto ngayon ang masasabi natin, mga Bro, sa pagku-quarry na magpapatag sa mga bundok at magpapalalim sa mga kapatagan.

Parang nakikita natin na lalong lalala ang mga landslide, baha at iba pang pinagmumulan ng mga kalamidad.

Hindi ba totoo na ang mga landslide at putik na baha ay galing sa mga kinu-quarry na lugar?

Bukod dito, magkakaroon din ng paglaganap ng sakit na dengue.

Ang dami na tayong nakikitang nagiging balon na na-quarry sa lugar na doon namamahay ang mga lamok.

Ang dami talagang lamok na namumuhay at nagmumula sa mga malalawak na balong ito.

DISGRASYA AT TRAPIK

Dahil naman sa pag-quarry sa mga ilog, lalo na ang mga malalapit sa mga paanan ng mga tulay at highway, nakatitiyak tayo ng pagbagsak ng mga tulay at pagkagiba ng mga kalsada, maging ang mga dike laban sa baha, sa tag-ulan at tag-bagyo.

Hindi man sinasabi at inaamin ito ng mga tarantado riyan sa DENR, ito ang nakikita ng mamamayan na nakatira sa mga lugar ng may mga disgrasya.

Ang masama, ito rin ang gustong-gusto ng mga kontraktor at mga korap dahil tuloy ang kanilang ligaya sa paggawa ng mga tulay at kalsada para sila ay kumita.

BANTAYAN SILA

Pangulong Noynoy, pakibantayan ang mga usaping ito dahil kung hindi, baka bubuwelta sa inyo ang mga ito at pasasamain pa kayo.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply