KAPRITSIO NG LAMAN (Ika-14 na labas)

HABANG nakatira ako sa poder mo, alam kong hindi ako titigilan ni Brix. Palagi niyang pagtatangkaan ang katawan ko bilang kabayaran sa pagtira ko rito. Kaya mabuti pang humiwalay na ako sa iyo, Tina,” malungkot na sabi ni Sally.

Nalungkot din ang kaibigan.

Hindi niya akalaing sa ganito hahantong ang pagmamagandang loob niya kay Sally.

Mahigpit niyang niyakap ang huli.

“I’m sorry. Sa kabila ng nangyari, sana’y maging magkaibigan pa rin tayo,” naluluhang sabi ni Tina.

Nasa gayun silang ayos nang bumunga sa pintuan si Jason.

Hinarap siya ng una.

“Nakikiusap ako. Sana’y alagaan mo ang kaibigan ko,” sabi ni Tina.

“Huwag kang mag-alala. Sa piling ko ay mapapabuti si Sally. Sinisiguro ko iyan sa iyo,” nakangiting sagot naman ni Jason.

Ilang saglit pa at paalis na ang dalawa habang malungkot na hatid ng tanaw ni Tina.

Maya-maya lang at nakasakay na si Sally sa kotse ng lalaki.

Hindi mapigil ng babae ang maluha.

“Hindi ka nagkamali ng desisyon na pumisan sa akin. Ipinangangako ko sa iyo na hindi ka luluha sa piling ko,” pangako ni Jason.

Hindi sumagot si Sally.

Ngumiti na lang sa lalaki.

Makalipas ang may isang oras na pagbibiyahe, nakarating sila sa magandang tinutuluyan ni Jason.

Binitbit ng lalaki ang mga gamit ni Sally at dinala sa isang bakanteng kuwarto.

“Simula sa gabing ito, ito na ang magiging silid mo,” sabi ng una.

“Thank you, Jason. Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan,” sagot ni Sally.

“Hindi ka dapat magpasalamat. Hindi mo ba alam kung gaano ako kasaya ngayon dahil kasama na kita sa bahay ko ngayon?” nakangiting sagot ng binata. “Pero mas magiging masaya sana ako kung sa isang kuwarto na lang tayo matutulog.”

Biglang napatingin si Sally sa lalaki dahil sa sinabi nito.

“Huwag kang mag-alala. Hindi kita pipilitin sa ayaw mong mangyari. Maghihintay na lang ako na mapatunayan mo kung gaano ka kahalaga sa akin,” sabi ng lalaki at lumabas na ng kuwarto ni Sally.

Isinara ng babae ang pintuan tapos ay marahang iginala ang paningin.

Napakaganda ng kuwarto na kanyang kinaroroonan at may sariling banyo.

Parang pinaghandaan talaga ni Jason na may titirang babae sa silid na iyon.

Marami kasing gamit na pambabae. Magmula sa perfume, lotion, blower, suklay at marami pang iba. Hindi naiwasang mapangiti ni Sally. Masuwerte ang babaeng napiling mahalin ni Jason. At napakaswerte niya dahil siya ang babaeng iyon.

Gusto sana niyang matuwa pero sa halip ay nalungkot.

Bigla kasi niyang naalala ang asawang si June.

Naghihintay siya sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas na walang bahid dungis.

Ano kaya ang gagawin ng asawa oras na malaman niya na dito sa Taipei ay nakapisan siya sa bahay ng isang lalaki?

Bigla niyang ipinilig ang ulo. Sa kalagayan niya ngayon, hindi makatutulong ang magsentimyento.

Narito siya para maghanapbuhay para sa kanyang pamilya.

Binuksan niya ang closet at inayos dito ang kanyang mga gamit at iba pang gamit.

Saka pa lang siya nagpalit ng damit pantulog at nahiga sa malambot na kama.

Nagpikit ng mga mata at pilit na kinalimutan ang mga problema.

Pero hindi siya dalawin ng antok.

Namamahay si Sally.

Kaya madaling araw na nang siya ay makatulog.

Maliwanag na nang siya ay magising. Hangos siyang bumangon para magluto ng almusal.

May pasok sila ni Jason. Pero nagulat siya pagdating sa kusina. Naunahan siya ng lalaki sa paggising. Abalang naghahanda ng kanilang almusal.

“Sorry! Tinanghali ako ng gising. Ako ang dapat na gumawa niyan,” paghingi niya ng paumanhin sa lalaki.

“Okey lang! Dapat hindi ka muna gumising dahil talagang gigisingin kita kapag nakaluto na ako,” nakangiting sagot ng binata.

Mabilis na inagaw ni Sally ang ginagawa ni Jason.

“Ano ka ba? Hindi mo ako bisita rito kundi bwisita. Ako ang dapat na maglingkod sa iyo,” sabi ng babae.  ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply