Karagdagang tourist police units itatalaga sa buong bansa

PARA mabigyan ng seguridad ang kapwa lokal o dayuhang turista naglagay ng 25 karagdagang tourist police unit (TPU) ang pamahalaan na ipinakalat sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ito ang kinumpirma ngayon ni Interior and Local Government Secretary Jesse M. Robredo.

Ayon sa kalihim, ang pagbuo ng 25 TPU ay batay sa resolusyon na inisyu ng National Police Commission (Napolcom) alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 9593, na kilala ring “The Tourism Act of 2009.”

Maliban kay Robredo, chairman ng Napolcom, kabilang sa lumagda sa resolusyon ay sina Commissioner Eduardo Escueta bilang vice chairman at executive officer at mga commissioner na sina Luisito Palmera, Alejandro Urro, Constancia de Guzman at Nicanor Bartolome.

Ayon kay Robredo, ang bagong 25 tourist police unit ay karagdagan sa 14 na TPU na inilagay pa noong 2010 kasunod ng isang kasunduan sa pagitan ng Department of Tourism (DOT) and PNP.

Maglalagay ng karagdagang TPUs sa: Ilocos Norte Police Provincial Office (PPO); Cagayan PPO, Cavite PPO, Laguna PPO, Puerto Princesa City Police Office; Palawan PPO, Oriental Mindoro PPO, Camarines Sur PPO, Aklan PPO, Cebu CPO; Cebu PPO, Negros Oriental PPO, Tacloban CPO, Camiguin PPO; Cagayan de Oro CPO; Davao CPO; General Santos City; Surigao del Norte PPO; Baguio CPO; Manila Police District; Quezon City Police District; Eastern Police District; Northern Police District at Southern Police District.

Nakasaad din sa resolusyon, ang bawat TPU ay pamumunuan ng isang police commissioned officer na may ranggong Police Chief Inspector na silang magpapatupad ng batas at mga ordinansa na may kaugnayan sa proteksiyon ng bawat buhay, ng mga ari-arian at kapaligiran sa kanilang mga nasasakupan.

May pangkalahatan din silang kapangyarihan na umaresto, magkulong, maghalughog na naayon sa batas at magsagawa ng regular na pagpapatrulya para masiguro ang kaligtasan ng bawat residente at mga turista sa kanilang mga lugar.

Ani Robredo, ang kasalukuyang Boracay Special Tourist Protection Office ay muling binuo at pinangalanang “Boracay Tourist Assistance Center” na nasa ilalim ng superbisyon at operational control ng Aklan Police Provincial Office Tourist Police Unit, habang ang Bohol Tourist Police Unit sa Police Regional Office 7 ay mananatili at isasailalim muli sa restructuring.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply