Kasabwat ng puganteng Koreano tukoy na

KILALA na ng Bureau of Immigration (BI) ang naging kasabwat nang tumakas na Korean national habang nagpapagamot sa St. Luke’s hospital noong Disyembre 24.

Sa panayam ng Remate kay Immigration Intelligence chief Maria Antonette Bucasas-Mangrobang, ibinulgar nito na tukoy na ng kawanihan ang apat na kababayan ni Kim Tae Dong na tumulong upang mabayaran ng puganteng dayuhan ang naiwang bayarin sa nasabing hospital.

Gayunpaman, pansamantala munang hindi binanggit ni Mangrobang ang mga pangalan ng mga naging kakutsaba ni Kim dahil patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.

Umabot sa kabuuang P2.2 milyon ang binayaran sa ospital ng mga kasabwat ni Kim, 54, pinaghahanap ng batas sa South Korea sa kasong swindling.

Kabilang na rito ang P1.7M bilang kabayaran sa professional fees ng mga doktor at karagdagang P.5M bilang bayad sa upa sa kuwarto ng nasabing ospital. Nabatid na nabayaran ang nasabing hospital bill noong nakalipas na linggo.

Umaasa rin si Mangrobang na babagsak sa kamay ng mga operatiba ng kawanihan si Kim dahil sa aktibong suporta na ibinigay ng iba’t-ibang law enforcement agency sa bansa.

Sinabi pa ni Mangrobang na mahigpit ang tagubilin ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr. sa mga operatiba na puspusan ang gawing paghahanap kay Kim matapos matakasan ang dalawang immigration jail guard.

Matatandaan na dinala si Kim sa St. Luke’s noong Agosto dahil sa sakit sa tiyan, hypertension at diabetes.

Iniimbestigahan na rin ng kawanihan ang napaulat na nagkaroon ng ‘bayaran’ sa pagpuga ni Kim sa halagang P150M, bukod pa sa nabigyan ng prebilehiyo na makalabas ng immigration detention facility sa Bicutan, Taguig City samantalang bantay-sarado ito sa mga guwardiya ng nasabing bilangguan.

Si Kim ay nahaharap sa kasong pandaraya, kasama na ang siyam na kakutsaba, sa larong baccarat o lucky nine sa Seoul, South Korea noong 2010. Umabot sa kabuuang US$8M ang natangay ng mga akusado sa kapwa manlalaro ng baraha sa tatlong insidente noong Enero 3, Enero 23 at Disyembre 23, 2010 sa Walkerhill Hotel sa Seoul.

Matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Dongbi district court, tumakas sa South Korea ang dayuhan at nagtago sa Pilipinas noong Abril.

Nahuli ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit (FSI) si Kim noong Hulyo 5, 2011 sa Ortigas Center, Pasig City. Sa nasabing operasyon, nag-alok din si Kim ng P200,000 sa mga operatiba ng kawanihan subalit tinanggihan ni Uso Dan Salasim, ang dating hepe ng BI-FSU.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply