Kaso ng ‘babae sa maleta’ pinamamadali

PINAMAMADALI ng grupong nagsusulong ng karapatan ng Overseas Filipino Workers (OFW) ang masusing imbestigasyon sa pamamaslang kay Nidzailyn Bahjin, na natagpuang nakasilid sa maleta at inabandona sa parking area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Miyerkules.

Sinabi ni Migrante Middle East Regional Coordinator John Leonard Monterona na nakakaalarma ang insidente dahil sa kabila ng ipinatutupad na seguridad sa NAIA ay nangyari ang pagpaslang at pagtapon sa labi ng OFW sa loob ng compound ng paliparan.

Ayon naman kay Senior Superintendent Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, sa labas ng NAIA compound nangyari ang pagpaslang kay Bahjin matapos dumating sa bansa noong Martes, at ibinalik lamang sa vicinity ng NAIA ang labi na isinilid sa mismong maleta ng biktima upang hindi pagdudahan ang sinumang sumundo sa kanya.

Nabuo ang teorya ng pulisya dahil hindi mahagilap ng awtoridad sa alinmang terminal ng NAIA ang mga nilalaman ng maleta ni Bahjin.

Hindi rin aniya maaaring maisakatuparan ang pagpaslang kay Bahjin sa loob ng compound ng NAIA dahil sa mahigpit na seguridad.

Hindi naman tinutumbok ni Reyes ang nagpakilalang tomboy na sinasabing sumundo kay Bahjin subalit hindi sila nagpang-abot sa NAIA Terminal 1 noong Martes ng hapon ngunit kasama ito sa mga iniimbestigahan na.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply