Katapusan at sarsuela sa kasong impeachment

NAPAKARAMI ang problema ng Pinas kaya dapat na gumawa ng paraan ang mga kinauukulan na pabilisin ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona sa Senado.

Sinasabi natin ito dahil sa pagkabalaho ng paglilitis sa ikalawang araw.

LUMUNDAG SA IKALAWA

Nabalaho ang paglilitis dahil sa paglundag ng mga Kongresman-Piskal sa ikalawang sumbong sa halip na sa una.

Natural na umangal ang parte ng depensa o ni Corona dahil hindi sila handa rito sa dami ng mga dapat na ihanda nila laban sa mga ebidensiya at testigo ng mga Kongresman-Piskal.

HINDI READY?

Lumalabas na hindi naging ready ang mga kongresman sa unang kaso kaya ginusto nilang lumundag sa ikalawa.

Pero ipinaliwanag nilang sobra ang dami ng mga dokumento at testigo na dapat ipresenta at nakauubos ng oras ang preparasyon dito.

Ngunit naging mas madali sana umano ang ikalawang kaso.

PANLITO LANG ANG AKSYON

May masamang impresyon na nabuo rito.

Sa paglundag-lundag ng mga kaso na ang una ay sa huli at ang huli ay sa una, may malilito rito.

At sino ang malilito?

Kapag may kalituhan, baka mauwi ito sa inhustisya.

Magkakaroon ng inhustisya sa kawalan ng kahandaan ng magkabilang panig sa saliwa na suntok ng bawa’t isa.

Baka sa huli ay maniniwala na lang ang taumbayan na sarsuela lang talaga ang impeachment na ito.

At kung sarsuela lang, ano at pagkakagastusan ito ng malaki ng mamamayan at pag-aaksayahan ng panahon ng mga nanunungkulan sa gobyerno?

BINGWIT SA SARILING BIBIG

Sa pakiramdam natin, may tunguhin ang mga kongresman na bingwitin sa sariling bibig si Corona.

Nangyari ito nang ginusto nilang magpresenta ng mga ebidensiya sina Corona and family ng mga dokumento pabor sa kanilang panig.

Yun bang === ukol sa kanilang mga Statement of Assets and Liabilities and Networth.

Kasama kasi sa mga argumento ng mga kongresman na mas mapadadali ang daloy ng kaso kung magsalita na at magpresenta si Corona at ang pamilya nito ng mga orihinal na dokumento ukol sa mga bintang na nakawan na yaman.

Anak ng tokwa, sino ang papayag niyan?

Baka kahit pumuti na ang uwak ay walang Corona na magsasabi ng katotohanan kung nagnakaw nga siya o nagtatago kaya ng nakaw na yaman.

PAGHUSAYIN ANG PAG-UUSIG

Ang payo natin sa mga kongresman, paghusayin nila ang kanilang trabaho.

Siksikin nila nang husto ang kanilang mga ebidensiya, kabilang na ang mga testigo, para sa lahat ng araw ay handang-handa na sila sa kaso.

‘Di ba 180 at may humabol pang 13 na kongresman ang pumirma sa impeachment ni Corona?

Sa dami ng mga nagnanais na mapatalsik si Chief Justice, bakit hindi pakilusin ang mga ito para tumulong sa lubos na paghahanda ng lahat ng kailangan para tuluyan nang masibak sa puwesto si Corona?

Baka dito na sasabit nang tuluyan si Corona!

WALANG PINAPANIGAN

Gusto nating linawin na wala tayong pinapanigan sa usaping ito.

Pero kung totoong may mga ebidensiya ang mga kongresman laban kay Corona, dapat ilarga nila ang lahat ng ito.

Lalo’t kalakaran na nasa balikat ng mga piskal ang paglalabas ng ebidensiya sa kaso sa isang akusado.

Magkaroon man si Corona ng mga ebidensiya bilang panangga, mananatiling kalakaran na titindig o babagsak ang kaso ni Corona sa ebidensiya na ipakikita laban sa kanya.

PAGLILINIS SA PAMAHALAAN

Kinakailangan talagang linisin ang pamahalaan na kinukulapulan ng basura.

Kahit pa ang chief justice ang basura o ang Senate President o Speaker of the House.

Kung mamamayani ang mga basura sa pamahalaan, paano na lang ang mga malalason na mamamayan?

Kailanman ay hindi makalalakad ang mamamayan sa matuwid na daan.

Ang pangarap nilang uunlad ay mababalaho.

Yun bang === mananatili sa kagutuman at kahirapan ang mamamayan.

At tanging ang mga dapat na ibasura ang siyang ma-mumunini sa kaban ng bayan at kayamanan ng bansa.

PROBLEMA SA MGA OFW

Habang nagaganap, mga Bro, ang pagalingan sa kasong impeachment at habang nakatutok ang mga mata ng mga bosing dito, andiyan naman ang sangkatutak na problema ng mamamayan.

Halimbawa, mga Bro, ang libo-libong overseas Filipino worker na-trap sa kaguluhan sa Syria.

Pero ang milyong OFW mula sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Silangan dahil sa nakaambang kaguluhan sa Iran at iba pang Arabong bansa ay higit na nakatatakot isipin.

Mayroon na bang mga hakbang ang mga magagaling sa impeachment, pro at anti-Corona, sa problemang ito?

Nasaan ang mga tao, gamit, pondo at plano ng pamahalaan para sa mass evacuation kung sakaling may sisiklab na malaking digmaan sa lugar?

Kung nahihirapan ang mga ungas na opisyal sa evacuation sa Syria na libo lang ang bilang, ‘di lalo silang mahihirapan kung milyon na ang ieevacuate?

O baka naman mag-antay pa ang mga opisyal ng patayan at kaguluhan bago sila kumilos?

Nakupo!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply