Katapusan na ba ng mundo ngayon?

LIKAS talaga sa ating mga Pinoy ang pagiging optimistic o iyong maganda ang pananaw sa buhay at hindi tayo agad-agad nawawalan ng pag-asa kahit anomang klaseng pagsubok ang dumarating sa atin.

Sa katunayan ay may kasabihan nga tayo na “habang may buhay ay may pag-asa” na siya rin namang ginagamit natin para ngumiti pa rin kahit nalulunod na tayo sa iba’t ibang klaseng problema.

Kaya hindi nakapagtataka ang resulta nang katatapos na survey ng Social Weather Station na kung saan ay lumalabas na mahigit 90 por-syento ng mga Pinoy ang naniniwala na mas magiging maganda ang buhay nila ngayong kasalukuyang taon kaysa noong 2011.

Kakaiba ang resulta nang survey na iyon dahil batid naman natin ang walang humpay na problema na kinahaharap ng bansa gaya nang patuloy na mataas na presyo ng mga bilihin na dulot ng pagtaas ng halaga nang langis sa pandaigdigang pamilihan.

Nandiyan din ang kawalan ng trabaho at ang napakaliit na oportunidad para kumita na sinabayan pa ng lumalalang peace and order situation.

At sa gobyerno naman ay ang laganap na red tape at graft and corruption.

Maliban diyan ay hindi rin makabangon ang mga Pinoy sa sunod-sunod na hampas ng kalamidad na dala ng mga bagyo at banta ng mga lindol, pagsabog ng bulkan at maging tagtuyot.

Sa harap ng lahat ng ito ay maaliwalas pa rin ang pagtingin ng ating mga kababayan para sa taong ito at sa tingin ko ay bunga ito ng matibay na pananalig natin sa
Diyos.

Napag-uusapan na rin lang ang pananalig, maraming tao sa iba’t ibang panig ng daigdig ang hindi mapalagay sa ngayon dahil naniniwala sila sa hula ng mga sinaunang tao na gaya ng Mayan na maaring magunaw na ang mundo ngayong taon.

Base kasi sa kalendaryo ng mga Mayan, ngayong darating na Disyembre 21, 2012 ang katuparan ng pagtatapos ng ikaapat na mun-do na ginawa ng mga Diyos nila na katumbas ng 5,125 na taon.

Sa madaling salita ang bawat mundo raw na ginawa ng mga Diyos ng mga Mayan ay natatapos tuwing ika 5,125 na taon na base sa kalendaryo nila ay magaganap ngayong taong ito.

Maraming doomsday prophets ang naniniwala rito lalo pa at tila may basehan naman dahil kakaiba na ang mundong ating ginagalawan ngayon.

Mas malakas na ang mga bagyo at pag-ulan, may mga tornado, tsunami at kabi-kabila din ang mga nangyayaring malalagim na trahedya na iyong iba ay gawa ng tao at iyong iba naman ay dala ng kalikasan.

Pero gaano man kadilim ang mga prediction na ibinibigay ng mga doomsday prophet, naniniwala ako na wala pa ring tatalo sa matibay na pananampalataya ng mga Pinoy sa kinalakhan nating Diyos.

At ang pananampalatayang iyan ang nagbibigay sa atin ng lakas para mapagtagumpayan ang lahat ng hamon ng buhay, totoo man o hindi ang hula ng mga Mayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply