Kauna-unahang solarized session hall sa Pinas pinasinayaan sa Maynila

PINASINAYAAN ngayon sa pangunguna nina Vice President Jejomer Binay, Manila Mayor Alfredo Lim at Vice Mayor Isko Moreno ang inaayos at “solarized” session hall ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Ipinagmamalaki ni Mayor Lim na ito ang kauna-unahang solarized session hall sa Pilipinas.

Hindi matatawaran ang ganda ng session hall ng Manila City Council na nagkakahalaga ng P49 milyon habang P2.6 milyon naman ang nagastos sa solarization process kung saan mas makakatipid ang city government sa gastusin sa kuryente.

Ayon kay Vice Mayor Moreno, ang mga aircondition at ilaw ng session hall ay pinagagana ng renewable energy o solar energy (enerhiya mula sa araw) na makatutulong pa sa kalikasan.

Ipinakita ni Moreno na sa loob lamang ng limang oras mula 9:00 ng umaga hanggang 1:00 ng hapon ay nakatipid nang P5,770 sa halaga ng kuryente ang session hall.

Inamin naman ni Moreno na ginaya ang disenyo sa iba’t ibang bansa upang mas mapataas ang kalidad ng pagbibigay ng serbisyo sa mga Manilenyo.

Aniya, sa pagiging high tech at pagkaakroon ng mga computer ng session hall, inilalapit din nito ang mga konsehal sa kanilang constituents. Dito malalaman ng mga constituent kung nagtatrabaho ang kanilang konsehal.

“Pinaiiral ito ang transparency. Puwede silang mag-log on sa www.epoltv.com at makikita na nila ng live kung nagtatrabaho at kung ano ang ginagawa ng kanilang konsehal sa loob ng session hall,” wika ni Moreno.

Hindi naman naitago ni Vice President Binay ang kanyang inggit nang malaman na na pinagagana ng solar energy ang naturang session hall.

Sinabi ni Binay na hindi lamang makakatipid ang lungsod kundi makatutulong ito sa kalikasan lalo na kung gagayahin ng iba pang lungsod.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply