Klase sa Kalayaan High School sinuspinde sa masangsang na amoy

SINUSPINDE ang klase ng Kalayaan High School makaraang umalingasaw ang masangsang na amoy sa buong gusali ng paaralan sa Pasay City kaninang umaga.

Ayon kay Police Community Precinct (PCP) 10 commander Insp. Benjamin Cudal, kagabi pa naamoy ng mga residente sa Kalayaan Road sa Barangay 201 ang masangsang na amoy ng hindi pa batid na uri ng kemikal subalit hindi nila matukoy kung saan ito nagmumula.

Lalo pang tumindi ang amoy kaninang umaga na hinihinalang nagmula sa ika-limang palapag ng nabatid na paaralan kaya’t nagpasiya ang principal na si Ginang Aida Silva na suspendihin ang klase.

Kaagad namang nagresponde ang mga tauhan ng Pasay City Fire Department sa pangunguna ni OIC Fire Marshall Teodoro Perez at Jerry Anlie ng Pasay Rescue Team at kanilang sinuri at ginalugad ang buong gusali ng naturang paaralan subalit wala silang matukoy na kemikal na posibleng pagmulan ng masangsang na amoy.

Hinala naman ng mga awtoridad na mula sa isang pabrika ng sigarilyo na nasa kabilang ibayo na sakop na ng Paranaque City nagmula ang masangsang na amoy na tuluyan lamang na nawala bago mananghalian.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply