Kompanyang balasubas dapat kastiguhin (2)

ITULOY natin ang pagtalakay sa ilang kompanya na balasubas umano sa kanilang mga empleyado.

Balasubas dahil hindi nagbibigay o ginagawang hulugan ang 13th month pay o hindi naghuhulog ng SSS, PAGIBIG o PhilHealth sa kabila ng pagkakaltas sa sahod ng mga ito.

Isa sa mga inirereklamo ang MD Infoman Solutions Inc. na  matatagpuan sa Common Goal Tower Industry St., cor. Finance Road, Madrigal Park, Alabang, Muntinlupa City.

Nangangamba ang mga empleyado ng kompanyang ito na baka lalong hindi mabayaran ang kanilang utang sa SSS at PAGIBIG kung tatagal pa ng ganitong kalagayan.

Kung totoo ang sumbong ng mga empleyado na buwan-buwan silang kinakaltasan ng kompanya ng kanilang SSS at PAG-IBIG, saan napupunta ang mga ikinaltas sa empleyado at kaninong bulsa napupunta ang mga ito?

Ang dapat siguro sa mga ganitong kompanya ay kastiguhin ng mga kinauukulan para madala dahil kawawa naman ang kanilang mga empleyado na umaasa sa mga benepisyong maibibigay ngunit hindi naman nasusunod.

Gustong-gusto nang magreklamo sa SSS ang ilang mga empleyado ngunit nangangamba silang matanggal sa kanilang trabaho kung sakaling gawin nila ito.

Yan ang hindi maganda sa ilan nating employer na hindi sumusu-nod sa patakaran ng Labor Code.

Kapag may nagreklamo agad na hahanapan ng butas  at pagkatapos ay agad na tatanggalin kahit na sabihing malaki ang naiambag nito sa kompanya.

Walang malinaw na dahilan ang ibinigay ng nasabing kompanya sa kanilang mga empleyado kaya tinawagan ko ang numero ng telepono na ibinigay sa akin ng  mga empleyado at dito ay nakausap ko ang isang nagngangalang Lovely na isa umanong Data Comptoller.

Ayon kay Lovely, mahirap siyang magbigay ng anomang komento dito kung kaya agad niyang pinuntahan ang kanyang boss.

Ngunit, ayon kay Lovely, nasa meeting ito kaya kinuha na lang nito ang numero ng aking telepono at nangakong tatawagan ang inyong lingkod.

Ngunit hanggang sa sinusulat ko ang column na ito ay wala akong natanggap na tawag mula sa nasabing kompanya.

Humihingi rin po ako ng pasensya sa management ng nasabing kompanya kung hindi ko man maibigay sa inyo ang mga pangalan ng inyong mga empleyadong nagreklamo para na rin po sa kanilang kasiguruhan at kaligtasan.

oOo

Para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento ay mag-text lang sa 09155683000 o kaya ay mag-email sa lily_reyes13@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply