Langis, gutom, terorismo at bombers for hire

ANAK ng tokwa, halo-halo na ang kinahaharap na sakit sa ulo ng mamamayan.

Sinasagasaan na nga tayo ng mga kompanyang langis, kuryente at sinasalanta ng gutom, andiyan pa ang nagbabagong-anyo na mga manggugulo sa mahal kong Pinas.

GUNMEN FOR HIRE

Sa Ilocos, sinasabing may mga gunmen for hire o upahang mamamatay-tao.

Sila yung mga may kagagawan sa ilang pagpatay at may naniniwala pa ngang isa sa mga pinatay na mediamen ay biktima ng mga ito.

Pero karaniwang mga pulitiko at negosyante ang binibiktima ng mga ito.

Kaya lang hanggang ngayon, hindi pa talaga malinaw kung gaano katalamak ang gun for hire sa nasabing lugar.

Ngunit aktibong-aktibo ang mga ito kung nalalapit o naririyan na ang isang halalan.

UPAHANG MGA TERORISTA

Ano naman itong sinasabi ni Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na may sumulpot na ring mga  upahang terorista at tila nakarating na ang mga ito sa Metro Manila?

Kaya naman, nananatili ang banta ng terorismo sa Metro Manila.

Paliwanag ni Sec. Robredo, wala nang idolohiya ang mga ito.

Basta inupahan silang mambomba o pumatay, kumikilos na lang ang mga ito.

Ibig sabihin niyan, wala na silang pag-iingat para hindi madamay ang iba, ang mga inosenteng sibilyan.

Wala na rin silang  tiyak na mga kaaway.

Hindi nila dala ang anomang galit sa mga Kano na pumapatay sa maraming Muslim sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Wala ring layunin ang mga ito na humiwalay sa Pinas at magtayo ng sarili nilang republika.

Basta natutunan ng mga ito ang gumawa ng bomba at gumamit ng mga baril, ready na ang mga ito na tumanggap ng bayad para gumawa ng krimen.

DAHILAN NG GUN FOR HIRE

Kung pag-aaralan ang kilos ng mga ito, mga Bro, maaaring dala na rin ng kawalang-katiyakan sa buhay ang  nagtutulak sa mga ito na maghanapbuhay sa pamamagitan ng mga pagpatay.

Dapat na ito ang malalim na pag-aralan ng pamahalaan.

Dapat tanungin ng pamahalaan kung saan-saan ito nagkukulang sa pagbibigay-serbisyo sa mamamayan.

Bakit ba na sa kabila ng mga magagandang pangako para sa Tuwid na Daan ay dumarami ang mga gumagawa ng mga kakila-kilabot na krimen?

Bakit itinataya nila ang kanilang buhay at kalayaan kapalit ng salapi at posibleng kamatayan mismo sa kamay ng mga umuupa sa kanila?

Alalahaning gawi ng mga  umuupa ng mga mambobomba o mamamatay-tao ang pumatay rin sa kanilang mga inuupahan.

Ito’y para maputol ang anomang ugnayan nila sa isa’t isa at maiwasan ng mga umuupa ang pananagutan sa batas.

SOBRANG MAHAL NA LANGIS

Ginugutay na nga tayo nang buhay ng mga kriminal, ginugutay pa tayo ng mga mapagsamantala.

Tingnan ninyo, mayroong  malaking oil price hike ulit sa petrolyo.

Halos P2 bawat litro ang itinaas ng petrolyo simula kagabi.

Ano na lang ang mangyayari sa mga may sasakyan?

Ano na lang ang mangyari sa mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan?

Para sa mga nagde-deliver ng mga produkto, tiyak na magtataas ng kanilang singil  at upang makabawi ang mga may produkto, tiyak din silang magtataas ng presyo.

MAHAL NA KURYENTE

Ang sabi ng mga kompanya ng kuryente, mga Bro, magbababa sila ng singilin ngayong buwan.

Pero paano ang pagmamahal ng kuryente sa mga malalayong lugar sa halos P1.50 sa bawat kilowatthour?

Isa pa, paano ang petisyon ng mga kompanya ng kuryente na itaas ang singilin nila sa mahigit P4 bawat kilowatt hour?

Kasama sa mga humihiling ng power hike ang National Power Corporation para umano may pambayad sila sa utang at may panggastos.

Paano na lang kung aaprubahan ng Energy Regulatory Board ang petisyong yan?

Anak ng sampung tipaklong, ano na lang ang mang-yayari sa ating bayan?

Ano na lang ang mangyayari sa mamamayan na  sobra na ang dinaranas na kahirapan?

LALALA, DARAMI ANG MAGUGUTOM

Dahil naman sa bigat na pinapasan sa buhay ng mga mamamayan gaya na lang ng sobrang mahal na petrolyo at kuryente na yan, tiyak na nakararami sa kanila ang malalaglag sa bangin ng kahirapan at kagutuman.

Yang sinasabi ng Pulse Asia sa survey nito na  nasa 45% o halos kalahati ng 95 milyong Filipino ang nagsasabing walang nangyari sa buhay nila sa buong taong 2011 ay lalala.

Lalo ring darami ang  nasa 38% ng mamamayan na nagsasabing pasama nang pasama ang kanilang kalagayan.

Hanggang sa kakaunti o mangilan-ngilan na lang ang nagsasabing gumaganda ang buhay sa mahal kong Pinas.

SASALAKAYIN PA NG GUN FOR HIRE

Sa gitna ng krisis, kahirapan at gutom sa buhay, sasalakay pa ang mga gun- for-hire at mga terorista.

Baka darating ang araw na bigla na lang darami ang mga napapraning at naghuhuramentado.

Mahal na Itim na Nazareno at lahat ng mga santo,  santa, Buddha, Shinto,  Bathala, Apo Mallari, saklolo po.

Maawa po kayo!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply