LeBron James nangalabaw laban sa Pacers

KUMAYOD na parang kalabaw si LeBron James dahil hindi naglaro ang kapwa Miami Heat star player na si Dwyane Wade laban sa Indiana Pacers.

Kanina sumiklab si James ng 33 puntos, 13 assists at walong rebounds upang tambakan ang Pacers, 118-83 sa 2011-12 National Basketball Association, (NBA) regular season.

Impresibo ang ipinakitang laro ni James subalit kinakabahan ngayon ang buong Miami dahil baka hindi rin ito makalaro sa susunod na laban kontra Atlanta Hawks.

“It’s been better, but it feels OK right now,” ani James. “We’ll see how I feel in the morning.”

Nagkaroon ng insidente sa third canto nang matapakan ni former NBA-MVP James ang paa ni Pacers guard Paul George habang pa-layup galing sa fastbreak.

Bahagyang natigilan ang mga kakampi ni James dahil ilang segundo rin itong tumigil sa court habang pinakikiramdaman ang na-injury na  kaliwang ankle.

“We will have to see,” wika ni Heat coach Erik Spoelstra nang tanungin kung makapaglalaro ba si James sa susunod nilang laban. “He has sprained that same ankle every year, he says at least one time a year.”

May anim na panalo na ang Heat sa pitong laro na sapat upang manguna sa Southeast Division ng Eastern Conference.

Nag-ambag si Chris Bosh, isa sa Big “3” sa Miami ng 22 points, six boards at dalawang steals habang tig-14 na puntos ang kinamada nina Mario Chalmers James Jones.

Tumikada naman si Roy Hibbert ng 16 na puntos at 12 rebounds para pangunahan ang Pacers habang si Tyler Hansbrough ay umiskor ng 14.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply