LPA at giyera patani sa Sandiganbayan at Senado

SINASABI ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services

Administration na may namumuong sama ng panahon malapit sa Mindanao.

Habang nagaganap ito, may namumuo ring sama ng pulitika hindi lang sa Senado kundi maging sa Sandiganbayan.

NAKAKAKABA SA MINDANAO

Habang tinitipa natin ito, mga Bro, ilang daang kilometro ang layo ng sama ng panahon sa General Santos City.

Kung pa-norte ang direksyon, matatamaan na naman ang Bukidnon, Misamis Oriental at Lanao del Norte na dinaanan ng bagyong Sendong kamakailan.

Matatandaang katakot-takot na delubyo ang inabot ng halos isang milyong katao  sa Cagayan de Oro City sa Misamis Oriental, Iligan City sa Lanao del Norte at Bukidnon.

Umabot sa nasa 1,500 ang nalunod sa tubig at putik lalo na sa Iligan City at Cagayan de Oro City.

Siyempre pa, marami rin ang namatay sa Bukidnon at maging sa dinaanan ng Sendong sa Negros Oriental.

Sana naman hindi magiging ganap na bagyo ang low pressure area na yan.

MAGHANDA PA RIN DAPAT

Anoman ang mangyari sa low pressure area na yan, maging bagyo man o hindi, dapat pa
ring maghanda ang mga mamamayan.

Ito’y dahil sa bumabagsak na naman ang ulan sa Mindanao.

Hanggang Kabisayaan at Luzon nga ang pag-ulan ngunit masuwerte ng kaunti ang mga taga-Luzon at Visayas dahil maulap na kalangitan na may pag-ulan lang ang babala ng PAGASA.

Sa totoo lang, hindi superbagyo ang Sendong na tumama sa nadelubyong lugar.

Ulan, kasinlakas ng ulan na tumama sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan  noong may bagyong Ondoy, ang tumama riyan.

Baka naman maulit na naman ang siyam-siyam na ulan kaya mainam na maghanda pa rin ang mamamayan.

Kailangang lumikas kaagad ang mga nasa binabahang lugar kung mararamdaman na nilang rumaragasa at lumalaki na naman ang tubig.

Huwag nang mag-antay pa ng babala mula sa PAGASA ang mga residente kung nasa harapan na nila ang pumapatay na mga baha.

PAMAHALAAN NASAAN?

Siyempre pa, nanghihina pa ang mga dinelubyo. Wala pa silang lakas upang lumaban muli sa kalamidad.

Dito dapat ipakita ng pamahalaan ang kahandaan nitong lingapin ang mga biktima at
posibleng mabibiktima pa ng LPA na posibleng maging bagyo.

Nasaan ang pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan?

Ano-ano na ang kanilang mga paghahanda hindi lang laban sa baha kundi maging sa gutom at hirap na aabutin ng mga posibleng biktima?

Paano ang pag-aaral ng mga bata?

Paano ang mga maysakit at paano ang masisilungan ng lahat ng ito sa panahon ng pag-uulan?

GIYERA PATANI SA SANDIGANBAYAN

Tapos na ang mga panimulang drama ng kasong electoral sabotage nina Aling Gloria at ex-Comelec Chair Ben Abalos sa Pasay City.

Ngayon naman ay tumira ang Sandiganbayan at si Aling Gloria pa rin ang sentro ng kaso.

Naglabas na ito ng Hold Departure Order laban kay Aling Gloria at ilang kakosa nito sa kasong ZTE-NBN deal.

Ang kasong ito ay puno umano ng tongpats.

Nasa $130 milyon lang ang orig na presyo ngunit naging $320M dahil sa tongpats.

Hindi lang natin alam kung ano ang kahihinatnan nito dahil tinirador ito ni Gloria

nang magngangawa sina Jun Lozada at Joe de Venecia III.

Hindi natuloy ang kontratang pagtatayo ng high tech na komunikasyon sa lahat ng sangay ng gobyerno dahil sa reklamo nina Lozada at De Venecia.

GIYERA PATANI RIN SA SENADO

Hindi natin alam kung magiging happy ang mamamayan sa magiging resulta ng kasong impeachment ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Kombinasyon kasi ng pulitika at ligal na usapin ang kasong ito.

Ang sabi, ibabatay ng mga senador ang kanilang desisyon sa mga ebidensiya sa nakahaing walong sumbong.

Pero sa kalaunan yata, eh, yung kampihan dahil sa pulitika ang mamamayani.

Kung sino ang may pinakamarami na pabor o kontra kay Corona ang magwawagi.

Ibig sabihin nito, right or wrong, mananalo o matatalo si Corona. Aray ko po!

ERAP IMPEACH ‘WAG GAYAHIN

May masama tayong karanasan sa impeachment at naganap ito noong panahon ni Erap.

May envelope na hindi nabuksan dahil tutol ang nakararami sa mga senador para rito.

Tumutol ang marami sa pagbubukas dito dahil hindi umano kasama ito sa mga saklaw ng sumbong.

Dahil dito, nag-goodbye Malakanyang si Erap ng sumabog ang EDSA 2.

Pero nang buksan ang envelope, hindi naman pala nagtuturo ng kasalanan ni Erap.

Naudlot tuloy ang paglilingkod ni Erap na Pangulo sa buong panahon na ibinigay sa kanya ng Konstitusyon at batas.

‘Yun bang === anim na taong pagiging Pangulo.

MAGING MAPANURI AT MAPAGBANTAY

Kaya naman, para magkaroon ng tunay na katarungan sa impeachment, hindi tayo dapat magpadala sa mga sulsol ng mga magagaling na magsalita, gaano man kaganda ang kanilang mga sinasabi.

Dapat tayong maging mapanuri at mapagbantay ukol sa katotohanan at kung ano ang lalabas na makatwirang desisyon ng Senado, dapat tayong handang tumanggap.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply