Mag-live-in kritikal sa ligaw na bala sa QC

KRITIKAL ngayon sa pagamutan ang isang mag-live in partner makaraang minalas na tamaan ng ligaw na bala nang harangin ng salarin ang isang nagdaraang taxi at pagbabarilin ang mga sakay nito sa Commonwealth Avenue, Quezon City kaninang madaling araw.

Inoobserbahan pa sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang mga biktima na kinilalang sina Ryan Concepcion, 21 at Jessica de Jesus, 20, na kapwa tinamaan ng bala sa kanilang dibdib.

Ayon sa inisyal na ulat ni PO2 Benjie Butac ng Quezon City Police District Batasan Police station 6, naganap ang insidente dakong 3:00 ng madaling araw sa tapat ng Commonwealth High School sa Commonwealth Avenue ng lungsod.

Sinasabing kagagaling lamang noon ng mga biktima sa pagtitinda ng barbecue at nag-aabang ng masasakyan sa lugar nang isang taxi ang dumaan sa tapat nila galing Commission on Audit (COA).

Isang armadong lalaki ang umano’y biglang humarang sa taxi bago pinagbabaril ang sakay nito.

Minalas namang tinamaan ng ligaw na bala ang mga biktima na nakatayo lamang sa tapat ng pinagbabaril na taxi.

Patuloy pa ring sinisiyasat ng mga pulis ang kaso at inaalam pa rin kung konektado sa pamamaril ang pagkakadisgrasya ng dalawang biktima.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply