Mahika sa kulungan, mahiya ka naman

KAMANGHA-MANGHA ang kakayahan ng mga tirador sa pelikulang Wanted, naibabalandra sa kung saan-saang singit at sulok ang punglo para masapol ang pakay iligpit.

Iisa lamang ang alam ng inyong imbing lingkod na ganoon ang kakayahan sa .45, si Mang Nano o Mariano Niñonuevo, dating pulis-Maynila. Isinasabak ng bansa noong dekada ‘60 sa Olympic shooting events.

Punglo na ibabalandra natin sa tudling ang dapat matudla.

Kalaboso si Jeffrey Abas sa Quezon City Jail—minalas na nasapol sa hita ng tingga mula 9mm sa kasagsagan ng putukan sa pagsalubong sa 2012.

Nagpapagaling siya ngayon sa East Avenue Medical Center.

Ayon sa ilang preso doon, isang lasing na jail guard daw ang dapat managot, nag-paputok daw ng baril.

Totoo ba ito, Superintendent Joseph Vela? Missing in action ka raw sa QC Jail tuwing may aberya na nangyayari riyan, tulad nitong pagkakasaksak sa isang Randy Bautista bago magbagong taon.

Alam kaya ni BJMP director Rosendo Dial na lagi kang hindi mahagilap tulad noong nag-riot ang mga preso sa iyong nasasakupan noong isang taon?

Kamangha-mangha din dahil parang magic na nawawala ang mga ulat o naaareglo ang anomang sumiklab na aberya.

Sa kaso nitong si Jeffrey Abas, ligaw na bala raw ang tumama sa kanya?

Aba’y matagal nang retirado ang kaibigan naming si Mang Nano na ganoon ang kakayahan sa .45…baka naman may part 2 ang Wanted…diyan kaya nag-ensayo si Angelina Jolie?

Bakit yata mukhang napakalakas ni Vela at nakalulusot ang ganitong mga insidente sa DILG?

May kinalaman kaya rito ang sinasabing protektor niya na si Kuyang Beltran?

Malamang tinawagan na naman ni Kuyang si Tony Nuy-da. Pakisagot naman po DILG Secretary Jesse Robredo…

Sa hita lang ng preso may dumaplis na 9mm, sa pagitan ng hita naman daw naisasalaksak at nagpapaputok ang isang embahador ng kanyang de-sabog…sin verguenza!

Malaking kahihiyan ‘to sa mga nabibilang sa alta sociedad…hinagupit daw ng asunto (haay… hagupit po, hindi gupit na tila Lorena Bobbitt) ni Susana Madrigal Bayot Ortigas ang kan-yang esposo na dating kinatawan ng bansa sa Mexico at ang kanyang diumano’y kabit na Marian L.

Sinampahan ng kasong pakikiapid ang magkalaguyo noong ika-16 ng Disyembre sa tagausig ng Pasig—ibinabahay na raw ni lalaki si babae.

Parang telenovela ang pihit ng pangyayari: ang bilyonaryang heredera pa mismo ang nagpilit sa kanyang esposo na kuning alalay ang Marian L., na itinuring niyang pinakamatalik na kaibigan.

Pero hindi lang daw kaibigang matalik ang ginawang katalik ng esposong embahador na likas ang utog, pati kasambahay…pinapatungan, este, pinapatos. Madalas palang mapasubo ang mga kasambahay kay señor na mahilig daw sa, uh, for he’s a jolly good fellatio.

Lumilitaw sa sinumpaang salaysay ng limang naging kasambahay ng mag-asawa na ilang ulit na nilang nasaksihan ang pakikipagdaupang-ari ng kanilang among lalaki sa iba’t ibang babae…

Iginiit ni misis na kahit mula sa mariwasa’t kilalang angkan si mister, NPA pala, Naging Palamuning Asungot…sagot ni misis lahat ng gastos, pati na personal.

Huwag magulantang kung suson-suson, patong-patong pang asunto ang ihahagupit ng maybahay at mga dating kasambahay sa esposong mahilig sa pagsasamantala at paglapastangan sa kababaihan.

There…money can’t buy honor and respectability…pero kung totoo kahit kalahati ng mga paratang laban kay sex, este, extant envoy, payo ng isang kapwa mahilig din sa butas… say, a good psychiatrist and a razor sharp lawyer is needed pronto to handle the cases that are sure to come, come, come.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply