Makinig, magmasid bago humusga

SA January 16, kahit na mas importanteng asikasuhin ang mga kababayan natin sa Cagayan De Oro at Iligan City, nakatakda nang simulan ang pagdinig ng impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa Senado.

Taliwas sa sinasabi ng magkabilang kampo, ang prosesong ito ay isa sa pinakaimportanteng paraan upang masiguro na ang bawat sangay ng pamahalaan ay umaakto ng ayon sa kanilang sinumpaang tungkulin at hindi sa pansarili lamang na mga dahilan.

Tulad ng sinabi nang sangkatutak na analyst, ang impeachment ay parehong “judicial at political” process na tumatawid ng landas ng dalawang prinsipyo.

Maling sabihin ni Corona na political prosecution ang ginagawa sa kanya dahil bilang mahistrado alam niya na pulitika lamang talaga ang makasisiguro ng isang impeachment, kailangan ng numero sa Kamara para maituloy ito.

Mali namang sabihin ng mga Kongresista na batas lamang ang ipinaiiral nila dahil lantad naman ang pakikialam ng kamay ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa isyung ito.

Nasimulan at natapos na ang bahagi ng pulitika nang ma-impeach si Renato Corona.

Ngayon simula naman ng ligal na bakbakan sa Senado upang mapatuna-yan kung sino ang tama sa dalawang panig.

Ang siste rito, nakasalalay sa kamay ng isang grupo ng mga pulitiko ang resulta ng isa sa importanteng proseso sa bansa natin.

Huwag kalimutan ang nangyari kay dating Pangulong Joseph Estrada na hindi nabuksan ang isang sinasabing “incriminating envelope” sa kanyang impeachment hearing.

Umayon si ex-Senate President Nene Pimentel pero nagbitaw ng salita na hindi niya gusto ang desisyon. Ito ang nagpasimula ng isang malawak na protesta na nagbunga ng pagkatanggal ng mga elitista kay Erap sa posisyon.

Pero ng balikan ang sobre, wala palang laman ito.

Sa kaso ni Corona, hinihimok natin ang mamamayan, huwag na ulit tayong magpagamit sa mga taong may sariling agenda sa nagaganap na “trial of the new millennium.”

Makinig tayo, magmasid, alamin ang katotohanan para sa sarili natin. Maging edukado tayo sa ating pananaw sa magaganap na hearing. At sa bandang huli, anoman ang puntahan ng desisyon, siguruhin natin sa ating sarili na kahit papaano tayong mamamayan ay nag-isip at inalam ang katotohanan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply