Malalang kaso ng tisis sa Quezon City Jail

NAKARATING sa amin ang maugong na balitang tumaas mula sa 15 kaso ng tisis nitong 2010 sa higit 70 na sa kasalukuyan sa Quezon City Jail.

Batay sa pandaigdigang datos sa naturang sakit, isa sa bawat lima ang natitigok – lalo na sa hanay ng mga nakatira lang sa lansangan at sa mga nasa kulungan… masaklap na higit sa sandosenang bilanggo ang napipintong paglamayan.

Nakahahawa ang pulmonary tuberculosis (PTB), sanhi kasi ng paglaganap ng mikrobyong sanhi ng PTB na hindi na kaya ng anti-biotics… nakababahala na may mga biktima ng PTB sa piitan ang hindi na raw kayang gamutin.

Tapikin na natin sa balikat si Warden Supt. Joseph Vela… sabi nga’y daig ng maagap ang masipag…at kailangan na yatang agapan ang pagsambulat ng PTB epidemic diyan.

Aba’y natatangay sa hangin ang mikrobyong sanhi ng PTB. Humatsing lang ang mga nakapiit diyan sa QC Jail, tiyak na ihahasik na sa kalapit na NEPA Q-Mart at Ramon Magsaysay High School sa Cubao ang mga mikrobyo ng PTB, may we call on the attention of J/S/supt. Romeo Vio?

Ayon sa ating mga taga-ulat sa naturang lupalop, tila wala ring pinatutunguhan ang anti-TB program na tinatawag na TB-DOTS ng national government dahil patuloy na dumarami ang bilang ng mga inmate na tinatamaan ng nakamamatay na sakit na ito.

An ounce of prevention can be worth a ton of cure…eh magkano naman kaya ang nakalaang pantustos para sa kalusugan ng mga bilanggo? Hindi naman tayo nagpaparatang na baka naipasok na sa kung saang bulsa ‘yon, pero, hindi lang kapakanan ng mga nakapiit ang nakasangkalan dito… pati na ‘yung mga kabataan sa kalapit ninyong paaralan.

Nakababahala at nakakakaba dahil tila pinababayaan na nga yata ni Vela ang ganitong kalagayan. Nasa likod kasi ang kanyang mga padrino, pwehehehe!

Anyway, alam mo ba, Supt. Vio (malugod na pagbati nga pala sa iyong pagkakatalaga bilang NCR Director), na isang preso na si Jeffrey Abas ay isinugod sa East Avenue Medical Center dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan?

Hindi pa naiaalis ang punglo sa dahilang wala raw perang gagastusin sa operasyon ang QC Jail ni Supt. Vela. Oh my katuray! Eh baka naman mabulok ang sugat na yan ni Abas at mas maging malala pa ang problema.

Naisulat na natin dito na noong nakaraang pagsalubong sa 2011, isang bala ng kalibre 9mm ang sumapol sa hita ni Abas sa kasagsagan ng putukan.

Ang balita natin eh galing sa baril ng isang lasing na jailguard ang tumama kay Jeffrey. Baka naman ito ang dahilan kung bakit hindi maoperahan agad si Abas.

Kapag na-ballistics kasi ang bala, baka dito na magkabukingan.

Maraming hindi magandang balita sa QC Jail mula ng maupo itong si Ate Helen, este Supt. Vela. Ewan ko kung nakakarating sa kaniya ang mga kuwentong ito lalo’t warden lang yata siya tuwing kinsenas at katapusan.

Dereliction of duty? Nonfeasance? Your guess is as good as ours…

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply