Maraming hamon ang hinaharap ni PNoy

KUNG ang akala ng iba, eh, sina Aling Gloria at Chief Justice Renato Corona lang ang pinakamalaking kalaban ni Pangulong Noynoy at ng KKK, isang malaking pagkakamali yan.

Lilitaw, lulubog man ang katulad nina Aling Gloria at Corona, may nananatiling mas malalaking problema na dumadagan sa mamamayan hanggang sa abutin ang mga ito ng hirap, gutom at sakit.

BIG FISH SINA CGMA at CJRC

Sa larangan ng pulitika at korapsyon, maituturing nang walang duda na big fish o mas malaki pa sa buwayang si Lolong sina Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo at Chief Justice Renato Corona.

Kung mapagtatagumpayan nina PNoy na ihagis sa karsel ang mga ito, sakaling mapatunayan ang mga bintang sa kanila, ay masasabing malaking accomplishment ito.

May pag-asa na pupuwedeng kadenahan ang mga untouchable na pulitiko at crony o tuta ng mga ito.

TUNGAW SINA CGMA AT CJRC

Pero tanggapin man o hindi nina PNoy, kakatiting lang na bahagi ng korap na sistema sa pulitika sina Aling Gloria at Corona.

Maituturing pa ngang tungaw lang sa liit ang mga ito kung isasama sila sa deka-dekada nang bulok na sistema ng pulitika sa mahal kong Pinas.

Lalong liliit ang bahagi nila sa kasaysayan ng pang-aabuso at korapsyon kung walang mapipiga sa kanilang kayamanang dapat ibalik sa kaban ng bayan.

KADENA NG KORAPSYON

Bigyan ko kayo, mga Bro, ng mga sampol ng tuloy-tuloy na bulok na pulitika at matinding korapsyon.

Kailan nangyari ang pagsisigaw ni dating Senador Erning Maceda na may mother of all scam?

Kailan nangyari ang Purchased Power Adjustment sa kuryente?

Kailan nangyari ang mga pagpapalundag ng smuggling sa barko ng mga magkakamag-anak?

Kailan nangyari ang pagtatali ng Pilipinas sa mga kasunduang pang-ekonomiya sa ibang bansa na doon pinagrereyp ang mga likas na yaman ng bansa at naging tambakan ng mga mahal na produktong dayuhan.

Kailan ipinagbili ng mga namumuno ng bansa ang mismong Pinas sa mga dayuhan?

At pinakahuli, may nakalusot sa P50B kasong ill-gotten wealth na bahagi ng sinasabi ni Ombudsman Desierto noon na P1.3 trilyong behest loans.

Dahil sa mga ito, kailanman ay hindi umunlad ang Pinas at kailanman ay hindi nakaranas ng ginhawa ang nakararaming mamamayan.

Kita n’yo na, mga Bro?

KOMPANYA NG LANGIS AT OPH

Itong problema sa negosyong langis ang kabilang sa pinakamalalaking pangyayari sa bansa dahil nananatili ito, lulubog man o lilitaw ang mga abusado sa kapangyarihan at korap.

Noon, simple lamang ang pagtataas o oil price hike at pagbaba ng  presyo ng petrolyo ang mga kompanya ng langis. Kung tataas ang presyo, nagtataas sa halos lahat ng produktong petrolyo at kung bababa ang presyo, halos lahat din.

Ngayon, Suki, ay kinodigo na ng mga kompanya ng langis ang istayl ng mga bulok na pulitiko sa pandaraya sa halalan.

‘Yun bang === dagdag-bawas.

Hindi lang ito, nagawa pa nilang paikutin ang mismong pamahalaan para gumawa ng batas na nagbibigay sa kanila ng buong kapangyarihan na magpresyo nang walang hangganan.

WALANG MAGAGAWA

Ang batas na Oil Deregulation Law ang nagbibigay sa mga kompanya ng langis ng kapangyarihang katulad ng sa Diyos sa pagpepresyo ng petrolyo, maging ang pagtatakda ng suplay nito sa Pinas.

Dahil sa paniniwalang umaabuso na ang mga ito, umaalingawngaw na sa lahat ng sulok
ng bansa ang mga reklamo.

MGA UMAANGAL

Tingnan ninyo, hindi lang ang mga jeepney at tricycle driver at operator ang umaangal.

Maging ang mga mangingisda, magsasaka, may barko, may kotse at may negosyo.

Nilalamon ng mga kompanya ng langis ang dapat sana’y munting kita nila.

Ang mga malalaki ngang negosyante ay umaaray na rin dahil sa pagmamahal ng kuryente dahil sa paggamit ng mga planta ng kuryente ng petrolyo sa paglikha ng kuryente.

Pati pulis, umaangal din sa mahal na petrolyo at hindi na sila basta makaikot sa pagpapatrulya.

‘Yung mga sarili nilang bulsa ay nadadamay na sa pambili nito para lang tumakbo ang kanilang mga sasakyan.

Ang masakit, mga Bro, simple lang ang sagot ng mga KKK ni PNoy rito: “Wala kaming magagawa.”

ODL AT EVAT HAMON KAY PNOY

Ang hamon kay PNoy ngayon ay kung paano niya tatablahin ang mga kompanya ng langis at tatablahin din ang kanyang mga KKK na wala nang ginawa kundi ang magsabi ng “wala kaming magagawa.”

Sa ilalim nito, paano babaguhin ang Oil Deregulation Law upang ang interes ng sambayanan ang mangibabaw at hindi ang interes ng mga kompanya ng langis na puro tubo sa negosyo?

Paano rin titimplahin ni PNoy ang expanded value added tax na malaking dahilan ng pagmamahal ng petrolyo?

Hanggang ngayon, hindi sinasagot ng pamahalaan ang pahayag ng Petron na may P15 na EVAT sa bawat litro.

Kung mayroon mang sinasabi ang pamahalaan, wala rin itong magagawa.

Kung mananatiling walang magagawa ang pamahalaan sa problema sa langis at sa problemang ibinubunga nito, malaking hamon talaga ito kay PNoy.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply