Masaker ulit sa Mindanao at pagpatay sa mediamen

IT’S more fun in the Philippines, sabi ng Department of Tourism sa pagsisikap nitong maging sentro ng turismo ang mahal kong Pinas sa Asya o sa buong mundo kaya.

Pero paano makararamdam ang mga turista ng more fun o higit na kasiyahan sa bansa kung ang sasama ng mga balita mula sa atin?

MASAKER SA BASILAN

Pinakahuli sa mga masasamang balita ang pagmasaker ng hindi pa kilalang mga kriminal sa napakaraming mangingisda sa karagatan ng lalawigan ng Basilan sa Mindanao.

Habang tinitipa natin ito, mga Bro, umabot na sa 15 mangingisda mula sa tatlong bangkang pangisda ang natagpuang lulutang-lutang sa karagatan.

Naganap ang karumal-dumal na krimen dakong alas-tres hanggang alas-kuwatro ng hapon.

KARIBAL O MILITANTE

Lumalabas sa mga panimulang ulat na inatake ang mga mangingisda ng mga armadong lulan ng “style pakura” na bangka na karaniwang gamit umano sa pagpapatrulya sa karagatan ng mga militante sa lugar.

Sa kabilang banda, sinasabi namang maaaring karibal na mangingisda ang gumawa ng pagpaslang.

Alin ba rito ang totoo?

Dapat na mabilis na humakbang ang pamahalaan sa usaping ito, sa pagtukoy sa mga tunay na salarin, sa pagdakip sa mga ito at sa pagpapanagot sa mga ito sa kanilang ginawa.

MASAKER SA MAGUINDANAO

Maalaala pa ba ninyo ang Maguindanao massacre, mga Bro?

Dapat lang naman.

Masaker iyon sa lupa at liblib na lugar na kinamatayan ng nasa 57 katao at mahigit 30 rito ang mediamen.

Ang nakatatakot naman dito ay ginawa ito ng mga masasabing awtoridad noon na kilalang-kilala.

Ginamit ang mga baril na inisyu ng pamahalaan, iligal na baril at makinarya ng pamahalaan para ibaon sa lupa ang mga biktima.

Hanggang ngayon, nananatiling may pangamba na hindi pa tapos ang pagmamasaker sa lugar sa dami ng nasa 100 suspek na hindi pa nadarakip at 800 pang kasamahan ng mga ito na gagala-gala lang sa lugar.

MASAKER SA LUNETA

Kung hindi ninyo malilimutan ang naganap sa Maguindanao, tiyak na hindi rin ninyo malilimutan ang masaker na naganap sa Luneta sa Lungsod ng Maynila.

Siyam katao naman ang minasaker ng dating pulis na si Kapitan Rolando Mendoza.

Walong dayuhang turista at si Mendoza mismo ang napatay sa trahedyang ito.

Nagamit din dito ang armalite na inisyu rin mismo ng pamahalaan.

SA DAGAT, NAYON AT LUNGSOD

Ano ba yan, wala na ba tayong ligtas na lugar?

Kung hindi ka mamasakerin sa nayon, sa dagat naman o kaya sa lungsod.

Paano ka makaaakit ng mga turista kung ganito ang mga balita mula sa ating bansa?

INUTIL NA PAMAHALAAN

Ang nakababahala pa, mga Bro, ay ang tila kainutilan o sobrang kabagalan ng pamahalaan na bigyan ng mabilis o makatarungang solusyon ang mga masaker na ito.

Pruweba rito ang napakabagal na pag-usad ng paglilitis sa Maguindanao massacre.

Wala ring malinaw na naging pananagutan ang mga awtoridad sa Luneta massacre.

At ngayon nga’y nasundan ang mga masaker na ito ng Basilan massacre.

Ewan lang natin kung ano ang susunod dito.

Naririyan din ang nakatatakot na larawan: ang pagkakasangkot ng mga nasa pamahalaan.

MOST DANGEROUS COUNTRY

Hindi tuloy maalis-alis ang Pinas sa mga bansang most dangerous countries para sa mga turista, mediamen, ordinaryong mamamayan at marami pang iba.

It’s not more fun in the Philippines.

PAG-MASSACRE SA MEDIAMEN

Kung bibilangin, mga Bro, ang napapatay nang mediamen simula nang muling mabuhay ang demokrasya sa bansa noong 1896, umaabot na lahat sa nasa 150 katao.

Nasa 103 ang pinatay noong panahon ni Aling Gloria, walo sa panahon ni PNoy at yung iba naman ay pinatay sa panahon nina ex-Presidents Cory Aquino, Fidel Ramos at Erap.

DOC GERRY ORTEGA

Ispesyal nating babanggitin ang pagpatay kay Palawan Broadcaster Doctor Gerardo “Doc Gerry” Ortega.

Isang taon nang naghahanap ng katarungan ang kanyang pamilya at ang mediamen.

Anak ng sampung putakte, wala pang malinaw na pinatutunguhan ang katarungan.

Andiyan pa ang tila pagkakaabsuwelto ng sinasabing mga utak.

May palatandaan nang may utak o mastermind sa pagpatay ngunit malalagay sa alanganin ang sitwasyon.

Tanging ang gunman ang parang malalagay at mananatili sa kulungan.

Gaya ng sa malalabong kaso sa media killings, ang katarungan kay Doc Gerry ay malabo rin ngayon.

MASAKER SA KATARUNGAN

Ang nakatatakot sa nagaganap sa ngayon, mga Bro, pati ang katarungan ay tila minamasaker o pinapatay na rin.

Minamasaker o pinapatay ang katarungan sa bagal ng pagkamit nito dahil sa kabagalan ng pamahalaan na umusig sa mga nakikilalang kriminal.

Minamasaker o pinapatay ang katarungan sa hindi pagkakatukoy sa maraming mastermind sa media killings.

Minamasaker o pinapatay ang katarungan sa pamamagitan ng pananatili sa puwesto ng mga may kinalaman dito.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply