Mayor absent ng Pasay

HILING ng mga senior citizen sa Pasay City sa kanilang alkalde na si Mayor Tony Calixto na sana naman daw ngayong 2012 ay magkaroon na sila ng pagkakataon na makadaupang-palad ito araw-araw, di katulad ng nagdaang isa’t kalahating taon kung saan tatlong beses lang sila magkaroon ng tsansang makausap ito nang personal hinggil sa kanilang mga hinaing at problema.

Naibulalas ang paksang ito sa isang pa-meeting kamakailan ng isang pulitiko sa lungsod na dinaluhan ng isang katoto natin.

At ayon nga raw sa ilang senior citizen na naroroon, ang kadalasang pagkawala ni Mayor Calixto sa kanyang opisina ang ikinangingitngit nila sa lahat.

Hindi na bale raw ang usaping korapsyon.

Mahalaga sa kanila ang maka-dayalogo ang alkalde para sa kapakanan ng kanilang hanay.

Paano nga naman daw maiintindihan ni Calixto ang kanilang mga problema kung palaging wala ito sa kanyang tanggapan sa Pasay City Hall?

Iyon lang ang lugar na nalalaman nila para hagilapin ang kanilang ibinotong alkalde.

Kung sabagay, tama ang mga senior citizen sa kanilang komento.

Maging ako man ay testigo sa kanilang obserbasyon.

Sa panahong inilagi ko noon sa Office of the Mayor, kada Lunes, Miyerkules at Biyernes lang (pang-MWF ‘ika nga) dumarating si Calixto sa kanyang tanggapan.

Kung minsan ay hindi na rin sumisipot ito ‘pag araw ng Biyernes.

Hindi mo maaasahang makita si Calixto tuwing Martes at Huwebes dahil nakareserba ang mga araw na ito para sa iba niyang aktibidades.

Kung anoman ang mga ito ay tanging si yorme lang at ang kanyang mga alalay ang nakaaalam.

Kung totoong may tampo ang mga senior citizen sa working style ni Calixto, hindi natin sila masisisi.

Sino nga naman ang puwedeng makinig at tumulong sa kanila kundi ang mayor lang?

Isa pa, maraming programa para sa senior citizens ang ipinangako sa kanila ni Calixto noong panahon ng kampanya pa lang ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa yatang natutupad!

* * * * * * * * *

Noong bisperas ng Bagong Taon, ilang supporter daw ni Mayor Calixto ang nagtungo sa bahay nito sa Fortuna St., Pasay City para makahabol pa sa kahit konting pamasko.

Pero umuwing luhaan ang mga ito dahil, ayon sa mga bantay doon, wala raw si mayor at nagpunta sa ibang bansa.

Pero ang totoo, ayon naman sa isang espiya natin, nasa loob lang daw ng bahay niya si Calixto at sadyang nagtatago!

Ilang araw bago ang pangyayaring ito, kinuyog ng ilang daang  mamamasko ang bahay niya.

Nagkagulo ang mga tao dahil namimigay raw ng pamaskong cash si Mayor!

Pero di nagtagal ay nagsipagkalasan ang mga nagsisugod na namamasko.

Ang dahilan: halagang P50 at P20 lang daw kasi ang ipinamudmod ni yorme.

‘Ika nga, balik-pamasahe lang!

At habang paalis daw ang mga namasko, puro pagmumura at pag-alipusta kay yorme ang sinasambit ng mga ito.

May katwiran sila. Marahil ay dahil sa alam nila na sandamakmak ang iligal na mga negosyo at raket sa Pasay na puwedeng pagkunan ng maipapamasko para sa kanila.

Tuloy-tuloy ang takbo ng mga iligal na ito na hindi man lang pinagbabawalan o ipinatitigil ni Calixto.

Kung bakit ganoon ay ano pa nga naman ba ang iisipin ng mga tao?

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply