Mga di makalilimutang kaganapan sa 2011 (2)

9. Pamamayani sa telebisyon ng child prodigy na si Xyriel Manabat… bow! Hindi lang ang predictable love stories ng adults and teens ang napaglibangan ng madla sa telebisyon noong 2011 kundi pati na rin yung mga nagtatampok sa mga child star, at nanguna sa kanila si Xyriel Manabat. Napuna na ang husay ng pitong-taong-gulang na paslit na ito sa “Agua Bendita” (kung saan gumanap siya sa dalawang katauhan), sinundan yon ng pagganap n’ya bilang isang batang multo sa “Momay,” at pagkatapos nu’n ay minangha n’ya ang madla sa pagganap n’ya bilang isang batang may isip matanda sa “100 Days to Heaven.”

10. Unexpected record-breaking box office triumph ng love triangle nina Anne Curtis, Derek Ramsay at Cristine Reyes sa “No Other Woman.”

Nung pinagsama silang tatlo sa nasabing pelikula, malamang na inisip ng Star Cinema na kikita naman ang pelikula kahit konti dahil bagong kumbinasyon yung tatlo. Pero biglang naging record-breaker sa takilya ang pelikula: Sinira nito ang record ng pelikula nina Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz bilang topgrosser of all time. Gaya ng sa kaso nina Sarah at John Lloyd, isa pang pruweba ang tagumpay ng No Other Woman na di kailangang magkaroon ng romansa sa pagitan ng mga artista para kahibangan ng madla ang isang pelikula.

Gayunpaman, natalo rin umano agad ng The Unkabogable Praybeyt Benjamin ang kita ng No Other Woman na P276 Million “lang” umano gayung yung pelikula ng bading ay P330 Million ang inakit sa takilya.

Oo nga pala, on her own ay newsmaker si Anne Curtis nung 2011 dahil nag-platinum ang debut solo album n’ya at bigla siyang nagka-booking ng solo concert sa Araneta Coliseum ngayong 2012.

11. Pagsikat globally ng ni Maria Aragon. Gaya ni Charice (Pempengco) si Maria ay batang Pinay na hudyat sa mundo na napakatalentado sa musika ng mga Pinoy. Pero di siya gaya ni Charice na sa Pilipinas isinilang at lumaki. Sa Canada ipinanganak at lumaki si Maria na sa panggagaya kay Lady Gaga nadiskubre sa YouTube. Kinontrata siya ng Star Records, pinapunta sa Pilipinas, pinagawa ng album, pinakanta ng theme song ng pelikulang Way Back Home na nagtampok sa mga batang aktres na sina Julia Montes at Kathryn Bernardo, pinili ni Manny Pacquiao na umawit ng Lupang Hinirang sa laban ni’ ya kay Manuel Marquez.

Ten years old pa lang si Maria at kapuri-puring di siya nagpupumilit na mag-ayos dalaga para lang mapabilis ang pagsikat n’ya.

12. Pagkakulong at paglaya sa Hong Kong ng concert producer-congressman Ronald Singson. May kabalahuraan man ang buhay ng ilang showbiz personalities, bihira silang arestuhin at humarap sa hukuman at masentensyahan sa paglaon. Tanging ang concert producer at owner ng music channel na V na si Ronald Singson ang taga-showbiz na naaresto at nakulong nang isang taon — at hindi sa Pilipinas kundi sa Hong Kong.

Pagdadala ng droga for personal use ang naging kaso ni Ronald na isa ring congressman ng Ilocos Sur (at kung saan kinailangan siyang magbitiw sa puwesto). May isa pa siyang showbiz connection: boyfriend siya ni Lovi Poe nung maaresto siya. Si Ronald din nga pala ang financier ni Jomari Yllana sa pagiging concert producer nito. Sa January 14 ngayong 2012 nakatakdang lumaya si Ronald at ang tsika mula sa kampo ni Lovi ay wala siyang panahong hintayin sa airport ang (ex?) boyfriend n’ya.

13. Demandahan nina Annabelle Rama at Nadia Montenegro. Mistula silang magkatambal bilang noisemakers nung Pinoy Showbiz 2011 dahil sa pag-aaway nila. Ikini-claim man ni Annabelle na mas sikat at mas mayaman siya kay Nadia, magkapantay lang ang reputasyon nila sa showbiz bilang noisemakers. Happily, and in the name of decency, di sila nagsasabunutan o nagsasampalan. Nagdidemandahan lang sila sa isa’t isa kahit na dati naman silang magkaibigan.

Gayunpaman, masasabing biktima ng away nila ang mga anak ni Nadia na artista at si Annabelle ang manager. Ayaw i-release ni Annabelle ang mga bata sa management contract nila sa kanya pero di na rin n’ya sila ihinahanap ng projects dahil naman sa bintang ni Nadia na sobra sa oras kung pagtrabahuhin sila sa mga project na nakukuha ni Annabelle para sa kanila. Very promising pa naman si Yna Asistio at ang mga kapatid n’ya.

14. Suntukan nina Coco Martin at Matteo Guidecelli dahil kay Maja Salvador. Ordinarily sa harap lang ng kamera nagsusuntukan ang mga artista dahil sa isang babae, not in real life na siyang ginawa nina Matteo at Coco dahil kay Maja. Kahit na pinagpiyestahan sa media ang gulong yon, parang di naman nakaapekto nang negatibo yon sa respective careers ng mga nasangkot. Pero di rin naman naging hit ang indie film n’yang “Thelma” na ipinalabas pagkatapos na pagpiyestahan ng suntukan na yon. (MAY KARUGTONG)

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply