Mga di makalilimutang kaganapan sa 2011

PERSONALITIES and events are what make showbiz exciting, colorful and shocking. At kahit na sa larangang ito ng matitinding katauhan at maigting na kumpetisyon, meron pa ring mas umaangat, mas nagniningning at mas umiingay kesa sa iba taun-taon. May mga kaganapan din na mas matindi, mas maingay, mas makabuluhan, mas nakaiintriga kesa sa iba.

Sa aming pagkukuro, ang mga umibabaw na personalidad at pangyayari sa Pinoy Showbiz 2011 ay ang sumusunod:

1. Pagtatagumpay ni Manny V. Pangilinan (MVP) at ng TV5 na itaguyod ang showbiz career ni Willie Revillame na na naunsyami sa ABS-CBN. Put in somewhat negative terms, nabigo ang ABS-CBN na ibinbin ang showbiz career ni Willie matapos nila itong suspindehin, at matapos magpasya ang matapang na TV host na tapusin na’ng kontrata n’ya sa Kapamilya Network.
Dumulog sa korte ang ABS-CBN para ipatigil ang game show ni Willie sa TV 5, pero di sila sinang-ayunan ng hukuman.

Natapos ang 2011 na buhay na buhay pa rin ang career ni Willie sa network ni Pangilinan kahit na isang buwan din siyang nasuspinde dahil naman sa pagsasayaw nang parang may kalaswaan ng isang batang lalaki sa kanyang naunang game show na Willing Willie. Parang di nga milyonaryo si Willie ngayon kundi bilyonaryo na!

2. Paglipat ni Sharon Cuneta sa TV5 sa talent fee na isang bilyon piso sa loob ng limang taon. Maraming naakit mula sa ibang networks ang salapi at pangako ng TV5, halimbawa’y sina Ruffa Gutierrez, Lorna Tolentino, at Luchi Cruz Valdez, pero di napabalita kung magkano ang offers sa kanila na di nila natanggihan. Sa kaso ng Megastar lang napaulat ng isang bilyon ang offer para sa limang taong kontrata, at umamin ang ABS-CBN na nahiya na silang mag-counter offer nung mabalitaan nila kung magkano ang “tukso” na iniumang kay Sharon Cuneta. Itinatayang yon ang pinakamalaking guaranteed earning ever for a showbiz talent.

3. Pagtanggap ng madla sa isang bading– si Vice Ganda– bilang bidang bading sa pelikula.

Umabot umano sa P330 million ang kinita ng “The Unkabogable Praybeyt Benjamin” at ito na raw ang highest grossing Pinoy film sa ngayon. Dati-rati, ang naghi-hit na pelikula ng kabadingan ay nagtatampok sa isang aktor na nagbabading-badingan lang, halimbawa’y sina Dolphy, Roderick Paulate at Eddie Garcia. Dati-rati, ang mga totoong bading na kasali sa pelikula ay pampalabok lang ang character, best friend lang ng bidang babae. Si Vice Ganda pa lang ang ginawang bida kahit na mukha siyang magandang kabayo.

4. Pagbabalik ni Superstar Nora Aunor. Kung dahil man sa laki ng talent fee o sa kasabikang makaharap uli sa kamera, nagbalik ang tinaguriang Superstar ng bansa mula sa Amerika.

Parang mas naging aligaga ang media sa kanya kesa ang madala mismo. Di naman naging top rater ang mini-series n’yang Sa Ngalan ng Ina sa TV5 (pero may mga nangangatwiran na halos hatinggabi na raw kasi ito naieere kaya konti na lang ang nakapanonood).

Gayunpaman, pinapirma siya ng kontrata ng TV5 para sa ilang taong proyekto, pati na rin ni Mother Lily.

5. Pagwawagi ni Shamcey Supsup bilang third runner-up sa Miss Universe 2011. Third runner-up “lang” siya pero ilang linggo rin siyang sikat na sikat sa buong mundo bilang isang Pinay na may matinding personalidad at maningning na kagandahan. At ilang linggo ring tinarayan ng Pinoy ang mga hurado ng Miss U at ang mundo dahil pakiramdam nila ay si Shamcey ang dapat nagwagi ng titulo. May nag-imbento pa nga ng statement supposedly from Oprah Winfrey na naniniwalang si Shamcey ang dapat kinoronahan.

6. Pagkapili kina Christian Bautista at Karylle na gumanap na pangunahing tauhan sa Asian television musical na The Kitchen Musical. Pinatunayan ng pagganap nila ru’n (pati na nina Art Acuña at Thou Reyes) na magaling talagang kumanta, sumayaw at umarte ang mga Pinoy.

7. Misteryosong pagdadalantao ni Andi Eigenmann na nagpadiskaril sa kanyang very promising career. Okey lang na magdalantao at magsilang si Regine Velasquez (at sina Rica Peralejo, Jolina Magdangal, kung posible pa silang magbuntis), pero hindi ang isang bata pa at baguhang artista na may very promising career. At dahil walang lalaking umaamin na siya ang nakadale kay Andi, pinagpiyestahan ang misteryo ang kanyang pagdadalantao.

Nagsilang rin siya bago matapos ang 2011, pero matagal pa siguro bago siya mabigyan uli ng break na kasing laki ng ibinigay sa kanya sa Agua Bendita.

8. Pambabatik ni Mo Twister sa reputasyon ng ex-girlfriend n’yang si Rhian Ramos.

Naunsyami ang showbiz career ni Rhian Ramos dahil sa kaungasan ng boyfriend n’yang si Mo Twister na kinalasan n’ya. Ang dramatista at sensationalist radio-TV host ang Hayden Kho Jr. ng 2011 sa misteryosong pagkalat ng mga intimate video na gawa n’ya pero wala raw siyang kinalaman sa pagkaka-upload sa YouTube. Dahil sa pagbubulgar n’ya na umano’y ipina-abort ni Rhian ang umano’y magiging baby nila, napilitan ang aktres na huwag munang tumanggap ng showbiz commitments. Paano nga ba haharap sa madla ang isang babaeng pinagbibintangang abortionist? Ang duwag at traydor na si Mo ay tumakas at kasalukuyang nagpapalaki ng kanyang kuwan sa New York. (MAY KARUGTONG)

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply