Misis, hipag, biyenan minasaker ni mister

DAHIL lamang sa nabigong ihain na pulutan sa isang lasenggong mister, nagawa nitong pagbabarilin hanggang sa mapatay ang sariling asawa, hipag at ang biyenan, habang nasa malubha namang kalagayan ang 44-anyos na American national sa Tondo, Manila kagabi.

Kinilala ang mga napatay na sina Gina Cruz, 36, ina nitong si Senecia Valencia Largardo, 60 at ang kapatid ng biktima na si Loreta Venturina Valencia, 40, kapwa ng 1220 A. Masinop St., Tondo, habang nasa malubhang kalagayan si John Walker David, US Air Force at umano’y nobyo ni Loreta, na kasalukuyang naka-confine sa Mary Johnston Hospital matapos magtamo ng tama ng bala ng kalibre 9 mm pistola.

Samantala, mabilis namang nakatakas bitbit ang ginamit na baril ng suspek na kinilalang Ronald Cruz, 37, dating seaman, kasalukuyang empleyado bilang messenger ng Philippine Reclamation Authority.

Batay sa report na isinumiti ni  Det. Gerardo Rivera, kay P/Sr. Insp. Joselito “Joey” de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong 7:35 ng gabi sa loob ng bahay ng pamilya Valencia.

Nabatid sa ulat na umuwing galit na galit ang suspek mula sa pakikipag-inuman sa Wagas St., Tondo at kinompronta ang misis kung bakit hindi dinala ang ipinalulutong pulutan.

Habang nagtatalo ang mag-asawa, umawat ang anak nilang si “Rap Rap,” 18, maging ang ina ng ginang.

Imbes mapahupa ang galit ng suspek, kumuha ito ng baril saka malapitang binaril sa ulo ang kanyang misis, bago isinunod ang nakialam na biyenan.

Habang nasa madugong tagpo, nakialam din ang hipag nitong si Loreta at ang nobyong Amerikano, kaya maging sila ay kapwa malapitang binaril ng suspek.

Hinala ng pulisya na lulong sa shabu si Cruz, kaya ito na praning nang pagbabarilin ang misis, biyenan, hipag at ang isang American national, dahil lamang sa hindi naipadala ang ipinalutong pulutan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply