MMDA tutulong sa Iligan, CDO clean-up ops

SASABAK na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa clean-up operations at pamamahagi ng mga relief goods sa mga biktima ng baha sa Cagayan de Oro at Iligan City sa pagpapadala ng 40 kataong contingent ngayong araw na ito.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ang contingent ay nagmula sa Metro Parkways Clearing Group and Road Emergency Group na tutulong sa malawakang paglilinis ng mga kalsada at komunidad na malubhang tinamaan ng bagyong “Sendong” noong isang buwan.

Sinabi ni Tolentino na handa ang MMDA na magbigay ng tulong sa mga lokal na pamahalaang nangangailangan at hindi sila mangingiming magpaabot ng alalay kaninuman.

Magpapadala rin ang ahensya ng dalawang payloader at isang fire truck sa mga nasalantang lugar upang mapabilis ang clearing at clean-up operations sa dalawang lungsod.

Lalahok din ang mga volunteer ng Chinese Fire Brigade sa nasabing mercy mission at dadalhin ang kanilang anim na fire trucks bilang pandagdag sa heavy equipment na ginagamit sa operasyon.

Mananatili ang contingent sa mga apektadong lugar sa loob ng tatlo hanggang apat na araw kung saan ipamamahagi rin ang mga relief goods tulad ng damit, bigas, de lata at iba pang pagkain na donasyon ng mga empleyado ng MMDA at iba pang pribadong mamamayan. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply