MMDA umapela sa manonood ng ‘Bourne Legacy’ shooting

UMAPELA ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga manonood ng shooting at masilayan ang bida sa “Bourne Legacy” na huwag nang madala ng sasakyan.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, bagama’t hindi umano nila mapipigilan ang mga taong manonood, tiniyak ng opisyal na magpapatupad sila ng crowd control.

Huwag rin sana umano abalahin ng mga tagahanga ang production team at bigyan ng espasyo upang hindi mapahiya ang bansa sa 45 araw na pananatili ng mga cast at crew sa Pilipinas.

Kaninang alas-5:00 ng madaling araw nagsimula nang mag-set up ang crew ng “Bourne Legacy” sa bahagi ng San Andres at tatagal ang shooting hanggang alas-6:00 ng hapon.

Paulit-ulit ang panawagan ng MMDA sa mga motorista na iwasan ang lugar upang hindi maipit sa matinding traffic.

Isinara na rin sa trapiko ang Leveriza hanggang Quirino Avenue para sa maghapong shooting.

Tatagal hanggang Pebrero ang shooting ng “Bourne Legacy” sa Pilipinas at kukunan ang mga eksena sa bahagi ng Manila, Makati, Marikina, Navotas, Quezon City at El Nido, Palawan para sa finale.

Ang “Bourne Legacy” ay pinagbibidahan nina Jeremy Renner, Edward Norton, Oscar Isaac at Rachel Weisz.

Pero may mga Filipino actors na itatampok sa pelikula at higit sa 15,000 mga Pinoy crew at extra ang kasama sa “Bourne Legacy.”

Excited ang mga kukuning extra na bibigyan ng P500 hanggang P1,000 compensation bawat araw.

Sa ngayon unti-unti nang dumadami ang tao sa paligid bagama’t mahigpit ang crowd control na hindi makapasok ang mga nag-uusyoso. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply