Nababaliw na sila

NAKAIIYAK ang kalagayan ng mga biktima ng delubyo sa Cagayan de Oro at Iligan City.

Mahigit nang sampu ang naiuulat na nawawala sa kanilang sarili.

May iba pang kinakikitaan ng palatandaang bibigay sa problema sa mga darating na araw.

Nauna rito, may ama na kumitil sa sarili niyang buhay makaraang hindi man lang mapagkalooban ng kahit kaunting silungan ang kanyang pamilya sa kabila ng pagtulong nito sa pamahalaan na mag-asikaso sa libo-libong biktima.

Umaabot na sa ganito kalungkot na pangyayari ang nagaganap sa lugar na kumitil ng halos 2,000 kapatid natin, bukod pa sa mga nawawala hanggang sa mga araw na ito.

Kung pupuwede lang sana na gawin nating ink ang ating luha para ito na lang ang magamit natin sa pagsusulat ng piyesang ito ay gagawin na-tin.

oOo

Sino nga naman ang hindi mababaliw kung nalagas na ang lahat ng kanilang sandigan at pag-asa sa buhay…

…Kung nasawi at namatay na ang kanilang mga magulang o kaya’y mga anak…

…Kung nawasak na ang lahat ng kanilang mga ari-arian…kung wala na silang kakayanang ibangon pa muli ang kanilang buhay…

…Kung nudels at lugaw na lamang ang pampahaba nila ng buhay nang walang tiyak na patutunguhan…at kung wala nang pag-aalayan pang iba ng kanilang buhay?

Ang masakit, Suki, tila sandali lamang ang paglingap sa kanila ng pamahalaan, lalo na ang mga bosing ng bayan.

Sapagkat hayun at higit pang inaaliw o binabaliw naman ng mga ito ang kanilang mga sarili sa pulitika.

Nalululong ang mga ito sa pambibilanggo sa isa’t isa, sa paninira sa isa’t isa at sa paghahanda sa mga halalang darating… lahat para sa agawan sa kapangyarihan at yaman ng pamahalaan at bansa.

Sinong Juan ang hindi mababaliw dito?

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply