Nadia inakusahan ni Bisaya na akyat-bahay?

HABANG nagtatagal lalong nagiging party-party ang demandahan nina Annabelle Rama at Nadia Montenegro. Padagdag nang padagdag ang kanilang mga akusasyon sa isa’t isa. Nagpaparamihan yata sila ng mga kaso. Mas marami, mas masaya. Hehehe!

Ang bago ay kung paano patutunayan ni Madam Annabelle ang pagnanakaw umano sa kanya ni Nadia. Inakusahan kasi niya ang huli ng pagkuha ng mga appliances kasama dyan ang kama, sofa at kaldero.

Maramihan ito at malalaking bagay ang kinuha sa kanya, hindi simple at pipitsugin ang makagagawa niyan kundi isang beterano sa akyatan.

So, ang ibig bang sabihin ni Madam Annabelle ay miyembro si Ate Nadia ng grupong Akyat-bahay gang?

Nagtatanong lang. Hahaha!

Pinanindigan ni Bisaya na ninakaw daw sa kanya iyon at hindi ‘yun regalo.

“Ano ako, loka-loka magbibigay ng isang trak ng gamit sa kanya? Wala naman akong utang na loob sa kanya. Ibibigay ko na lang sa kamag-anak ko o kay Jun Lalin,” ‘yan ang sabi ng nanay nina Ruffa, Raymond at Richard.

Susme! ano ba ‘yan, hindi ba puwedeng mag-usap na lang kayo at bayaran ang dapat bayaran ng wala nang ingay. Ano ba talaga ang gusto ninyo, away o gulo? Gulo na lang po para wala nang away. Hakhakhak!

Ang hindi ko lang lubos maisip kung paanong pati kaldero ay hindi pinatawad ni Ms. Montenegro. Kung may lamang kanin ‘yon, another case na naman ‘yun.

Giatay!

***

Jeremy Renner mas mataray pa kay Rachel Weisz

KUNG marami ang nabibiyayaan sa ilang daang extra na kinukuha araw-araw para sa shooting ng pelikulang Bourne Legacy, mas marami rin ang napeperhuwisyo dahil sa pagsasara ng ilang kalye sa Malate na kung saan ang mga may tindahan sa lugar ay nawawalan ng kita dahil sa sarado ito sa mga miron.

Eh, maghapon at magdamag yata ang shooting, natural malulugi ang mga tindera. Dapat binabayaran din sila sa kanilang pagkalugi.

Ang hindi pa maganda ay ‘yung pagiging isnabero raw ng bidang si Jeremy Renner sa mga tao. Ni ayaw daw nitong pumirma ng autograph at magpa-picture-taking. Ultimo ang media ay bawal din daw siyang kausapin.

Ang taray ng Jeremy na ‘to, eh, hindi naman siya masyadong kilala rito sa Pilipinas. Ang alam nga ng tao ang bida sa movie series na ‘to ay ang bata at gwaping na si Matt Damon.

Mabuti pa raw itong leading-lady niya na si Rachel Weisz ay mabait at nakikipag-tsikahan sa mga Pinoy. Pati sa bata magiliw ito.

Ang susunod na pagsu-shooting-an daw ng grupo ay ang fish port sa Navotas. Doon hindi siya makakapag-inarte dahil mas isnabero sa kanya ang mga isda roon. Hahaha!

***

Kagigiliwan ng mga bagets ang pelikulang ‘My Cactus Heart’

PALABAS na ang My Cactus Heart sa January 25 sa lahat ng mga sinehan sa buong Pilipinas. Actually, kaabang-abang ito para sa mga bagets dahil ang kwento nito ay para sa mga young generations (puede rin sa mga may edad dahil ang pag-ibig ay walang pinipiling edad) na kay agang na trauma sa pag-ibig.

Pero sabi nga ng isa sa bida ng pelikulang ito na si Matteo Guidicelli kay Maja Salvador, “Walang matimtimang birhen sa masigasig na mangingibig” o kaya, “Walang matigas na tinapay sa mainit na kape.” ‘yan ay hango sa pelikula noon ni Eddie Garcia. Hehehe!

Kaya kahit sa totoong buhay ay nadale ni Matteo si Maja. Pero sampung taon pa raw magtitiyaga ang binata bago magpakasal sa kanya ang dalaga. In the maintime, watch na muna kayo ng movie nila. Ito ay handog ng Star Cinema, sa direksyon ni Enrico S. Santos.

***

Para sa inyong mga opinyon at reaksyon, tumawag lamang o magtext sa #09074582883 o kaya’y mag-email sa kuya_abepaul@yahoon.com at maari n’yo rin kaming silipin sa aming Facebook account, i-type lamang ang aming pangalan. Mabalos!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply