Nagpakalat ng sex video may araw din – Janelle

NANINIWALA ang kampo ng aktres na si Janelle Manahan na hindi magtatagal ay matutukoy na kung sino ang may kagagawan ng pagpapakalat sa internet ng kanilang “sex video” ng napatay na kasintahang si Ramgen Revilla.

Ito’y makaraang tiyakin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na may kakayahan silang matukoy kung sino ang nag-upload sa internet ng nasabing sex video nina Janelle at Ramgen na isang malinaw na paglabag sa umiiral na batas sa ilalim ng Anti Voyeurism Act kung saan isa si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr ang nag-akda.

Ayon sa abogado ng pamilya Manahan na si Atty. Luke Espiritu, idudulog nila sa CIDG at NBI ang reklamo laban sa mga may kagagawan sa pagpapakalat ng naturang video na ang tanging layunin ay ipahiya sa publiko ang kanilang kliyente at pahinain ang kanyang kredibilidad bilang testigo sa nangyaring krimen.

Nauna nang inakusahan ni Atty. Argee Guevarra, isa pang abogado ng pamilya Manahan sina Genelyn Magsaysay at mga anak na may kagagawan sa pagpapakalat ng sex video sa internet dahil nasa kanilang pangangalaga ang laptop ng napatay na si Ramgen kung saan nakalagay ang mga naturang video.

Bagama’t inamin na ni Genelyn na nasa kanila ngang pangangalaga ang laptop ni Ramgen, mariin naman niyang ikinaila na sila ang may kagagawan sa pagkalat ng video sa internet dahil hindi naman nila kayang buksan ang gamit ng napatay bunga ng pagkakaroon nito ng password na tanging si Ramgen lamang ang nakakaalam.

Naniniwala naman ang kampo ni Janelle na magiging malakas ang kanilang ebidensiya sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nagpakalat ng naturang sex video sa oras na matukoy na ng awtoridad kung sino ang nagpakalat nito.

Nakiusap naman si Genelyn sa kampo ni Janelle na huwag nang idawit ang kanyang tatlo pang menor-de-edad na anak sa naturang usapin at sila na lamang ang idemanda dahil kaya nila itong harapin sa korte.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply