Nakawan sa Asian Terminals Inc. at Pykes ng Shangrila (2)

ISANG tawag sa cellphone ang natanggap ng ULTIMATUM buhat kay Port of Manila Collector Rogel Gatchalian ukol sa nawawalang mga kargamento sa Laguna ng Asian Terminals Inc..

Para sa kaalaman ng ating mga ka-Bro, ang container yard ng ATI sa Laguna ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Port of Manila dahil ang mga kargamentong nakatengga rito ay yaong mga container na nakumpiska sa Pier South at pansamantalang inilagak sa Laguna para hindi mapuno ang South.

Sinabi sa atin ni Coll. Gatchalian na may ipinalabas na s’yang report tungkol dito.

Hooops! Biglang naputol ang linya.

Sa madaling salita hindi na natin nakausap pang muli si Collector.

TANONG KAY COL. GATCHALIAN

Coll. Gatchalian, hanga po ang ULTIMATUM sa bilis ng trabaho n’yo laban sa mga gago r’yan sa ATI.

Pero ang tanong po ng aming uzi ay ano na ang nangyari matapos ang report?

Ilan na po ang nakasuhan?

Nagbayad po ba ang ATI sa mga nawawalang kargamento na inaasahang BILYON ang halaga?

May nasuspinde bang mga tauhan ng Customs na may pakana sa nakawang yan?

Na-subpoena ba ang mga opisyal ng security ng ATI na hinihinalang mastermind ng nakawan sa Pier South?

IMBESTIGASYON NG CIIS

Napunta raw sa CIIS ang imbestigasyon sa pamumuno ni CIIS Intel Chief Dino Tuason.

Nag-umpisa raw ang halukayan ng papeles noong isang taon pa, pero hanggang kasalukuyan ay mukhang halukayan pa rin ang nangyayayri.

Aba’y anak ng pitong putakteng bakla!

Patay na sa gutom si Juan dela Cruz bago n’yo masisingil ang ATI n’yan.

IMBESTIGAHAN SI PYKES

Bakit hanggang sa kasalukuyan ay hindi naiimbestigahan ang isang opisyal ng ATI na mas kilala sa tawag na Pykes.

Ito raw ang may kinalaman sa malawakang operasyon ng nakawan d’yan sa Laguna.

NASA MAKATI NA RAW

Nagtatago na raw ngayon si Pykes sa Makati, roon daw sa Shangrila Hotel.

Security naman daw ng Shangrila ang pinasukan nito.

Patay! Kaya kapag may nanakawan d’yan, alam n’yo na kung sino ang hahanapin n’yo.

KANSELAHIN ANG KONTRATA NG ATI

Malabong makansela ang kontrata ng ATI bilang port service provider sa Manila South.

Bakit?

Una, malakas daw kasing maghatag ang mga bossing nito.

Isang kongresista ng ways and means ang binigyan kaagad nito ng P500 milyon tumahimik lang sa committee hearing ukol sa isyu ng nawawalang mga kargamento.

Ilang komisyoner at sugo ng Malacanang din ang nakinabang dito maikubli lang ang umaalingasaw na langsa ng nangyaring anomalya.

Tsk!Tsk!Tsk! Masagasaan kaya ito ng matuwid na daan ni Pang. Noynoy Aquino?

UZI TEXT

Text ng mga UZIserong buwisit na sa sistema.

TAGUMPAY NG MAMAMAYAN

Para sa mga prosecutor sa impeachment sa pangunguna ni Cong. Niel Tupas, congrats.
Ang tagumpay niyo ay tagumpay na rin ng mamamayang Filipino. +63932373….

FILIPINO SA IMPEACHMENT

Good pm po! Baka po puwedeng lengguwaheng Tagalog o Filipino na lang ang gamitin sa impeachment. Nasa Pilipinas naman tayo para maintindihan din ng mga kababayan natin na hindi  sanay ng wikang banyaga. Thanks! +63949372….

SWITIK NA DRIVER

Sir, magandang hapon po. Ipaalam ko lang po. Ang CTK Inc. na ang driver nila sa kanilang armor van matapos magpagas dito sa Petron, Gusa, Cagayan ng 30 liters 50 liters ang inilagay sa resibo. Kawawa ang kompanya nila. Dati po akong gasman. +63926320….

ANG SUNGOLD FORWARDERS

Sir, irereklamo ko lang ang  SUNG0LD F0RWARDERS. Hindi lang nila itinataas ang sahod, wala pa sa minimum. P200 lang ang sa driver at P150 lang ang sa helper. +63909216….

ADIK AT ISKAM SA CAVITE

Pakigawan lang po ng aksyon ang mga anomalyang nangyayari rito sa Alfonso Public Market sa Alfonso, Cavite.  Inutil at hindi kayang patakbuhin ng market administrator. Ang siste pa maraming pailalim na transaksyon ang mokong, kakutsaba ang isang babae at isang lalaki. Madalas mangotong ang lalaki dahil addict.

Ginagamit pa ang pangalan ng municipal engineer para makahingi ng isda, gulay, atbp.

Napakamahal at sobra pa ang sinisingil na business permit dito. Ang babastos pa ng nasabing mga empleyado saka arogante at maangas na makitungo sa mga mangangalakal. Kaya humihingi po kami ng tulong ninyo,  Mr. Antiporda. +63918416….

ADIK SA PACO

Para sa awtoridad, talagang walang umaaksyon sa mga naglipanang adik at mga tambay rito sa Paco Market, Manila. Talagang napeperwisyo na kami rito. Kung maaari po, paghuhulihin ang mga ito. Gen. Gutierrez, ano ba naman yang mga pulis sa Paco Market, walang ibang hinuhuli kundi yung naghahanapbuhay nang marangal. ‘Yung mga adik sa loob na nakatambay sa may karnehan hindi nila mahuli-huli! Kung maaari lang po, bigyan-pansin ang mga pulis dito sa Paco Market, tila natutulog  yata sa kangkungan. Isang alyas Marissa ang tulak sa loob.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply