Nakuha sa sipag at tiyaga

MAPAGTAPOS ang mga anak at mabigyan ng maginhawang buhay. ‘Yan ang pangarap ng Pinoy na si Julio Fonte.

Nakapagtapos ng kursong mechanical engineering si Julio at nakapagtrabaho sa isang lokal na kompanya rito sa bansa, subalit dahil sa hirap ng buhay, bagama’t mahirap sa umpisa ay napagdesisyunan nila ng kanyang asawa na mangibang bansa siya.

Dinala si Julio ng kanyang kapalaran sa bansang Malaysia. Doon ay nakapagtrabaho siya bilang isang design engineer.

Sa simula ay naging mahirap para kay Julio ang pag-aadjust sa isang banyagang bansa na may banyagang kultura, subalit dahil sa kanyang pagsisikap at sa labis na pagtitiyaga ay napagtagumpayan niya ang mga hamon ng buhay sa nasabing bansa. Kabilang na rito ang discrimination sa mga Pinoy lalo na pagdating sa trabaho.

Dahil may kaisipan na higit ang kakayahan ng mga dayuhang puti, gaya ng mga Amerikano, kaysa mga Filipino.

Ayon kay Julio, unti-unti niyang pinatunayan ang kanyang kakayahan sa trabaho, hanggang sa makita ng kompanya na kanyang pinapasukan na kaya niyang makisabay sa kanyang mga kasamahan. Ipinakita niya ang kanyang passion, dedikasyon at sakripisyo para sa trabaho.

Para sa kanya, ang kanyang ginagawa ay hindi lang para sa maginhawang buhay ng kanyang pamilya rito sa Pilipinas kundi maging sa mga Filipino, upang patunayan ang angking kakayahan at talino ng ating lahi.

Ngayon ay isa nang senior lead engineer si Julio sa kanilang kompanya, nakapag-aral din ang kanyang mga anak at naibigay niya ang maginhawang buhay para sa mga ito, gaya ng pangarap niya.

Masasabing isang inspirasyon ang ipinakitang sakripisyo ni Julio para sa kanyang pamilya at bayan.

Mula sa kanyang simpleng pangarap para sa pamilya, ay nagawa pa niyang maipakita na kayang makipagsabayan ng lahing Filipino sa ibang mga lahi.

Sa biyaya ng Maykapal, ang lahat ng ito ay nakamtan niya mula sa sipag at tiyaga na kanyang ipinamalas sa Malaysia.

***

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply