Nasaan ang solusyon?

TILA nauubusan na ng opsyon ang pamahalaan sa paghahanap ng paraan upang maagapayan ang mga drayber at iba pang manggagawa sa industriya sa gitna ng tumitinding kahirapan sa bansa.

Kaya nga’t ang pamunuan at kasapian ng Transport Organizations for Transformation, Empowerment and Reforms o TRANSPOR-TER ay dismayado na rin sa mga pangyayari.

Ang sinasabi ng Malakanyang, ginagawa nito ang lahat ng paraan upang maibsan ang bigat na dala-dala ng mga mamamayan, partikular ang mga nasa sektor ng transportasyon, sa gastusin sa araw-araw.

Ang pinakaepektibo sana ay ang pagtataas ng P2 sa minimum na pamasahe mula sa kasalukuyang P8.

Pero ang sabi naman ng LTFRB, dapat munang mapatunayang naghihirap ang mga drayber, maliliit na opereytor, konduktor at iba pang trabahador ng transportasyon bago nito ikonsiderang maitaas ang napakong presyo ng pamasahe sa bansa.

Gayunman ay pinag-aaralan na rin umano ng LTFRB kung napapanahon ng pagbigyan ang mga kasama sa industriya.

Ayaw rin ng Malakanyang ang mga panukalang katulad ng subsidiyo at “price ceiling” sa mga produktong petrolyo.

Marahil ay dahil masyado itong malapit sa Oil Price Stabilization Fund noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, na mortal na kalaban ng pamilya ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III.

‘Di nga ba’t ang nasirang diktador ang pinagbibintangang pumatay sa tatay ni PNoy na si dating Senador Ninoy Aquino?

Bakit niya susundan ang yapak ng kalaban? Kaya pasensya na lang, mga kasama sa sektor ng transportasyon.

Ayaw din niya ng “price ceiling” o limitasyon ng itataas na presyo ng mga produktong petrolyo kahit magkasunod-sunod ang pagsirit nito.

May posibilidad umano ang pagbuhay ng “Pantawid Pasada Program,” kung saan bibigyan ang mga jeepney at tricycle driver ng “smart cards” na may lamang mahigit P1,000 para maipambili nila ng gasolina o diesel.

Maraming butas sa implementasyon ng programang ito, pero sige lang. Hangga’t mapakikinabangan ay pwede ng pagtiisan, pero hindi pangmatagalan.

Kaya siguro hindi ito mabango sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan.

Ayon naman kay Department of Energy (DOE) Sec. Jose Al-mendras, plantsado na ang “Pantawid Pasada Program” (PPP), kung saan bibigyan ang mga jeepney at tricycle drivers ng smart cards na may lamang mahigit P1,000 na pambili ng gasolina o diesel.

Hayun, nakatengga tuloy ang 250,000 PPP cards na naipaimprenta na.

Wala umanong nagki-claim.

Nagtaka pa sila kung bakit.

Naghihintay pa rin tayo sa mangyayari sa imbestigasyon ng kita ng malalaking kompanya ng langis.

Sisilipin ang kanilang financial records upang mapag-alaman kung ang mga ito ay nananamantala at kumikita ng iligal dahil sa overpricing.

Hay, naku!

Habang patuloy pa ang pagsusumikap kuno ng gobyerno upang pagaanin ang mabigat na pasanin ng mga kasama natin, karamihan sa atin ay walang magawa kundi ang maghintay.

Sana naman ay huwag magtagal pa.

May kasabihan tayong mga Filipino:  “Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?”

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply