OFW na nag-withdraw sa naipit na ATM card sa Saudi kulong

PINAGSISISIHAN ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nagdurusa ngayon sa loob ng piitan sa Saudi Arabia ang ginawang pagwi-withdraw ng malaking halaga ng salapi sa naipit na card na pag-aari ng isang Saudi national sa automated teller machine (ATM).

Ayon kay Migrante Middle East regional coordinator John Leonard Monterona, nakausap niya ang 34-anyos na OFW na itinago lang sa pangalang Nestor ng Caloocan City at nakiusap na tulungan siya na mapababa ang kanyang sentensiya dahil labis na siyang nahihirapan sa loob ng bilangguan.

Paliwanag ni Nestor kay Monterona, hindi niya sinasadya ang pangyayari at natukso lamang siya na i-withdraw ang 75,000 Saudi rials na katumbas ng P850,000 matapos niyang matuklasan na may nakaipit na ATM card habang wini-withdraw niya ang kanyang sahod sa pinaglilingkurang kompanya.

Nadakip si Nestor noong Hunyo 9, 2011 matapos siyang makita sa footages ng nakalagay na close circuit television (CCTV) camera habang wini-withdraw ang naipit na card sa ATM machine na pag-aari ng Saudi national.

Pinatawan ng hukuman si Nestor ng limang taong pagkabilanggo at 100 hagupit at kasalukuyan pang nakapiit sa Al-Hair jail sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sinabi ni Monterona na hiniling niya sa embahada ng Pilipinas na tulungan si Nestor na mapababa ang hatol sa pamamagitan ni Consul Roussel Reyes  subalit ipinaliwanag sa kanya ng opisyal na mahirap makumbinse ang korte na mabawasan ang hatol dahil sa napakalaking halaga ang natangay ng OFW sa ATM.

Bukod dito, may pananagutan na si Nestor sa publiko at posible ring pabayaran sa kanya ng Saudi national ang halaga ng salapi na kanyang nakuha sa ATM.

Naniniwala si Monterona na magsisilbing leksiyon din sa OFWs ang nangyari kay Nestor para maiwasang matukso sa mga napupulot na ATM na magiging dahilan ng matagal na pagdurusa, hindi lamang sila kundi higit ang kanilang pamilya.

Napag-alaman na nagtungo sa Saudi Arabia si Nestor upang magtrabaho bilang tsuper sa isang kompanya noong Abril, 2009.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply