P1.1B pondo inilaan sa scholarship program ng Tesda

NAGLAAN ang Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) ng P1.1 bilyon para sa scholarship program na magbibigay ng agarang trabaho sa 45,500 estudyante sa kanilang pagtatapos.

Sa pagbubukas ng Central Luzon Regional Skills Competition, sinabi ni Tesda Director General Joel Villanueva na P500 milyon ang gagamitin para sa training program sa business process outsourcing na 65,000 estudyante ang makapapasok.

Aabot sa 70 porsiyento nito o 45,500 estudyante ang awtomatikong kukunin ng mga call center na nagpamalas ng malaking pag-unlad sa bansa at patuloy na kumukuha ng mga bagong gradweyt at walang trabaho.

“Hindi dapat matahin o maliitin ang mga technical at vocational student. Mas madaling makakuha ng trabaho kung tapos ka ng TESDA kaysa two-year course,” ani Villanueva.

Ang natitirang P600 milyon ay nakalaan para sa training program sa turismo, semiconductor, agrikultura at konstruksyon.

Idinagdag ni Villanueva na tumaas ang bilang ng mga gradweyt ng Tesda na nakakuha na ng trabaho sa ilalim ng administrasyong Aquino mula 20 porsiyento hanggang sa 55 porsiyento ngayon.

Umaasa umano siya na tataas pa ang bilang na ito sa 60 porsiyento ngayong taon.

Nang tanungin kung ano ang magiging papel ng Tesda hinggil sa bagong K+12 model ng Department of Education, sinabi ng dating kongresista na mas madaling makahahanap ng trabaho ang mga estudyante kung magtatapos din sila ng kursong teknikal.

Batay sa mga tala, may 564,000 gradweyt noong 2011 ang walang hanapbuhay. Sila ay parte ng 2.9 milyong Pilipino na may kakayahang magtrabaho ngunit walang hanapbuhay. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply