P10 pasahe napapanahon na — Piston

NAPAPANAHON na umanong aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P10 pasahe na hiling mga operator ng mga pampasaherong dyip dahil sa panibagong big time na pagtataas ng mga presyo ng petrolyo na ibinibintang sa lumalalang situwasyon sa Gitnang Silangan. 

Ayon sa pinuno ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) na si George San Mateo, dapat na taasan na ang singil sa mga dyip sa P10 piso dahil hindi na kakayanin ng mga operator at drayber na pasanin ang panibagong pagtataas ng krudo na nadagdagan ng P1.00 ang bawat litro samantalang P1.75 sa gasolina.

Sinabi ni San Mateo na ginamit na naman ng Energy Regulatory Board at ng mga malalaking kumpanya ng langis ang mga kaguluhan sa Gitnang Silangan upang magkaroon ng sapat na rason sa pagtataas ng kanilng mga produkto kung saan 80 % ng mga langis ay nanggagaling sa nabanggit na rehiyon.

Sa kabila ng ilang beses na pagtataas ng presyo ng krudo noong huling bahagi ng 2011 ay hindi pinagbigyan ng LTFRB ang P10 dagdag pasahe kung saan pinayagan lamang sa P8.00 ang pagdagdag pasahe ng mga dyip.

Sa panibagong pagtataas, aabot sa P45 pesos ang mababawas  sa kita araw-araw ng mga drayber.

Nakatakda ring magdaos ng kilos protesta ang Piston ngayong araw sa harapan ng kumpanya ng Pilipinas Shell sa Makati City upang iparating ang boses ng publiko laban sa walang patumanggang pagtataas ng presyo sa langis ng nabanggit na kumpanya. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply