P150M kapalit daw ng pagtakas ng Korean swindler

NAGING masagana ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon ng ilang opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI) makaraang umugong sa kawanihan ang balitang “nagkaayusan” umano para makatakas noong Disyembre 24 ang isang Korean national na nagpapagamot  sa St. Luke’s Hospital sa Taguig City.

Ayon sa mga mapagkakatiwalaang impormante sa loob ng kagawaran, umabot sa tumataginting na P150 milyon ang umano’y ibinayad ni Kim Tae Dong, 54, sa mga opisyal at tauhan ng tanggapan para makapuga ito sa kanyang mga bantay habang nagpapagamot sa nasabing ospital.

Batay sa impormasyon, sinulatan na ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr. ang Anti-Money Laundering Council (Amlac) upang humingi ng permiso upang masilip ang deposito sa bangko ng mga sinasabing naging kasabwat ni Kim sa loob at labas ng kawanihan.

Inatasan din ni David si Associate Commissioner Siegfred Mison na imbestigahan ang lahat ng anggulong lumalabas hinggil sa pagtakas ng dayuhang pinaghahanap sa bansang South Korea sa kasong swindling.

Inihayag naman ng isang miyembro ng tracking team ng kawanihan na patuloy ang kanilang paghahanap kay Kim hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan kung saan may konsentrasyon ng mga Korean national.

Nagbabala rin ang beteranong operatiba na tumangging magpabanggit ng pangalan na kakasuhan nila ang sinumang dayuhan na nagkakanlong kay Kim.

Batay sa mga impormasyong nakalap, apat na buwan tumagal ang umano’y pakikipag-negosasyon ni Kim sa ilang opisyal at kawani upang makalabas ito sa BI detention facility sa Bicutan, Taguig City dahil sa tiyak na kamatayan ang naghihintay sa dayuhan sakaling ipatapon ito sa South Korea.

Bukod sa dalawang immigration jail guard, iniimbestigahan na rin ng kawanihan ang isang immigration officer na nakatalaga sa terminal 1 ng Ninoy Quino International Airport (NAIA) at isang dating warden ng immigration jail.

Batay sa pagtantiya ng mga tauhan ng BI personnel section, hindi lalagpas sa P2M bawat isa ang matatanggap na retirement benefits ng mga kakutsaba ni Kim sa pagtakas kaya ‘nilunok’ na ng mga ito ang alok upang magkaroon ng magandang kinabukasan.

Dinala sa St. Luke’s si Kim noong Agosto 26 dahil sa sakit sa tiyan, hypertension at diabetes. Nag-iwan din ito ng P1.5M bayarin sa naturang ospital matapos ang matagumpay na pagpuga sa kamay ng dalawang jail guard.

Bukod sa umano’y alok na P150M, sinisilip na rin ng kawanihan ang napaulat na pinayagan umano si Kim na magtungo sa Market, Market sa Taguig City samantalang bantay-sarado ito sa mga immigration jail guard.

“May history na ang akusado na mag-alok ng pera sa mga operatiba ng bureau, kaya hindi na imposible na mag-alok din ito ng pera para makatakas,” sang-ayon naman sa isa pang mataas na opisyal ng kawanihan.

Si Kim ay nahaharap sa kasong pandaraya, kasama na ang siyam na kakutsaba, sa larong baccarat sa Seoul, South Korea noong 2010. Umabot sa kabuuang US$8M ang natangay ng mga akusado sa kapwa manlalaro ng baraha sa tatlong insidente noong Enero 3, Enero 23 at Disyembre 23, 2010 sa Walkerhill Hotel sa Seoul.

Matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Dongbi district court, tumakas sa South Korea ang dayuhan at nagtago ito sa Pilipinas noong Abril.

Nahuli ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit (FSI) si Kim noong Hulyo 5, 2011 sa Ortgas Center, Pasig City. Sa nasabing operasyon, nag-alok din si Kim ng P200,000 sa mga operatiba ng kawanihan subalit mariin itong tinanggihan ni Uso Dan Salasim, ang dating hepe ng BI-FSU. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply