P3,000 lang dual citizen ka na – BI

NANAWAGAN ang Bureau Of Immigration (BI) sa mga dating Pilipino na muling taglayin ang pagiging Pinoy upang mapanatili ang mga karapatan tulad ng kapatang bumoto, maging pulitiko at makapagmay-ari ng aria-arian sa Pilipinas.

Sa halagang P3,000 maaring muling maging Filipino citizen ang mga dating Pinoy na naging mamamayan na ng ibang bansa tulad ng Estados Unidos, Canada, Ingglatera at iba pang bansa na pumapayag sa dual citizenship ng kanilang mamamayan.

Bukod sa mga nabanggit na karapatan, maari rin maglabas-pasok sa Pilipinas ang mga dual citizen at hindi na kailangan pang kumuha ng extension o palugit sa kanilang pananatili sa bansa.

Ang muling pagkakamit na maging mamamayan ng Pilipinas ay batay sa itinatakda ng Republic Act 9225 o “citizen retention and requisition act.”

Ayon kay Immigration Commissioner Ricardo David, tatagal lamang ng tatlong linggo ang proseso sa pagkakamit ng dual citizen matapos na maisumite ang mga kinakailangan dokumento.

Ginawa ni David ang panawagan makaraang iulat ng kanyang tanggapan na umabot sa 116,059 aplikante para sa dual citizenship ang kanilang inaksiyunan simula nang ipatupad ang nasabing batas noong 2004.

Sa nasabing bilang, 36,851 petisyon ang isinumite sa punong tanggapan ng kawanihan sa Intramuros, Maynila habang 79,208 naman ang mga nagsumite ng kanilang aplikasyon sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa ibang bansa. Freddie Cortez

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply