P43.3M ‘ill gotten wealth’ ni Garcia ibinalik ng US

SA pamamagitan ni US Ambassador to the Phillippines Harry K. Thomas, pormal na ibinalik ng Amerika ang US$100,000 halaga ng tseke o katumbas ng mahigit sa P43.3 million na nakumpiska sa mga anak ni former AFP comptroller at retired M/Gen. General Carlos F. Garcia.

Sa pamamagitan ng simpleng seremonya sa tanggapan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, isinagawa ang turnover ng nasabing embahador sa Ombudsman.

Itinuturing na isang “ill-gotten” ang nasabing pera matapos aminin ng dalawang anak ni Garcia ang kanilang tangkang pag-smuggle ng pera na naharang ng U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE) agents noong November 2003.

Noong 2010 ay hiniling ng Ombudsman sa Amerika na ibalik ang pera sa Pilipinas sa ilalim ng US-Philippine Mutual Legal Assistance Treaty.

Ayon naman kay Thomas, commitment ng Amerika na suportahan ang anti-corruption campaign ng Aquino administration.

Ang pagbabalik sa naturang halaga ay simbolo na anumang nanakaw na yaman ay dapat na maibalik sa tunay na may-ari at ito ang gobyerno ng Pilipinas at mamamayan.

Bilang reaksyon, nagpasalamat naman si Morales sa hakbangin ng Amerika.

Kasabay ng pangako na hahabulin ng batas ang mga taong nagkasala at nasasangkot sa korapsiyon.

Kung maaalala, ikinulong noong Setyembre 2011 sa New Bilibid Prison (NBP) si Garcia matapos arestuhin ng AFP Provost Marshal sa kanyang bahay sa Quezon City.

Si Garcia ay napatunayang nagkasala sa paglabag sa Articles of War 96 (conduct unbecoming an officer and a gentleman) at Article 97 (conduct prejudicial to good order and military discipline) bunsod ng kanyang pagsisinungaling sa pagdeklara ng Statement of Assets and Liabilities and Net (SALN) worth noong taong 2002 at 2003.

Inakusahan din ang dating heneral ng pangungulimbat ng mahigit sa P300 milyon pondo mula sa kaban ng AFP kaya nahaharap din ito sa hiwalay na kaso sa Sandiganbayan.

Ang sentensya laban kay Garcia (PMA Class ’71) ay pinagtibay ni Pangulong Benigno Aquino III bilang commander-in-chief ng AFP noong nakaraang September 9, 2011 at pinatawan ng parusa na dalawang taong hard labor.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply