Pagbisita sa Nueva Ecija

UUNLAD lang ang ating bansa kung ang iniisip natin palagi ay ang kapakanan ng lahat.

Tangkilikan, ‘yan ang pangarap na dapat matupad upang mapahusay at mapaunlad ang kalagayan ng ating mga kapatid.

Kaya nga’t pumunta ang inyong lingkod sa Nueva Ecija upang kausapin ang mga kasapi ng sektor ng transportasyon doon.

Ang tinutukoy natin ay ang 60 lider ng TODA at ang kanilang pangkalahatang pangulo na si Jojo Marzan.

Isa sa mga pinag-usapan ay ang pagkakaroon ng mga kasanayan ng bawat isa, pati ng kanilang mga kaanak. Kailangan nating alamin ang mga programa ng pamahalaan o kahit mga pribadong organisasyon tulad ng skills training na alok ni Tesda Provincial Director Luz Amponin at Jimmy Kho ng Westech sa mga ibig maging welder, car painter at car electrician.

Isa pang pinag-usapan ay ang pagbubuo ng mga kooperatiba na maaaring makiisa sa programa ng 1-UTAK Party-list group at TRANSPORTER na “Buy As One Movement.”

Ang programa ay naglalayong bumili nang maramihan upang makuha ang mga produktong tulad ng gulong, accessories o kahit krudo pa sa murang halaga para sa kasapian.

Puntahan naman natin ang mga kapatid nating mga Muslim sa Mindanao. Sa kagustuhang pasiglahin ang kanyang negosyo sa jewelry, pumunta ng Saudi Arabia si Abdulfattah Mangadang Maute, residente ng Mulundo, Lanao del Sur.

May dala siyang malaking halaga, mga P10 milyon, na hindi niya idineklara. Siya ay nagpabalik-balik ng Saudi Arabia upang bumili ng iba’t ibang alahas.

Pinagsususpetsahan siya ng “money laundering.” Siya ay na-kakulong ng apat na buwan sa Jeddah at naghihintay ng pre-liminary investigation.

Napag-alaman ng Puno’t Dulo na tinutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan si Maute kaya’t nakausap niya ang kanyang maybahay.

Tumutulong din sa kanya si Atty. Said Dimaporo, isang ma-layong kamag-anak.

Alam natin na kailangang respetuhin natin ang batas ng ibang bansa. Kahit si Maute ay may lisensya sa Marawi para sa kanyang negosyo dapat ay lisensyado rin siya sa ibang bansa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply