Pagdodoktor sa tagong yaman ni Corona inilantad

NAKATAKDANG pagdugtong-dugtungin ng isang sertipikadong “fraud examiner” ang mga dokumentong magpapatunay sa mga hindi idineklarang yaman ni Chief Justice Renato Corona sa pagpapatuloy ng impeachment trial.

Pagbabasehan ng nasabing bagong testigo ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), mga titulo ng lupa at condominium, maging ang tax records ni Corona upang idetalye ang tunay at tamang net worth ng punong mahistrado.

Idedetalye rin ng testigo ang kakulangan sa kapasidad ng Chief Justice na makabili ng mga mamahaling ari-arian kung pagbabasehan lamang ang taunang kita nito bilang miyembro ng Korte Suprema.

Ayon sa tagapagsalita ng prosekusyon mula Mababang Kapulungan na si Cong. Miro Quimbo, ipaliliwanag ng fraud expert ang mga tahi-tahing kasinungalingan ni Corona sa kanyang SALN mula taong 2002 hanggang 2010.

Sa punto naman ng kapwa-tagapagsalitang si Deputy Speaker Erin Tañada, malaking tulong ang pag-upo bilang testigo ng nasabing fraud expert para suportahan ang alegasyon sa mga nakaw na yaman sa Article 2 ng kanilang reklamo kay Corona.

“Eksperto na itong ihaharap namin. Wala akong nakikitang dahilan upang hindi mapatunayan sa publiko na totoong may mga tagong yaman si Chief Justice,” ani Tañada.

Base sa mga nakalipas na araw na pagdinig, lumalabas na nakabili si Corona at misis na si Cristina ng 303-square-meter penthouse unit na may tatlong parking area sa Bellagio Tower sa Taguig City na nagkakahalaga ng P14.5 milyon taong 2009; isang unit sa Bonifacio Ridge sa Taguig City sa halagang P9.1 milyon taong 2004 at isa pang unit sa The Columns sa Makati City na nagkakahalaga naman ng P3.6 milyon taong 2003.

Bagama’t idineklara ito ni Corona sa kanyang 2010 SALN, hindi naman tama ang deklarasyon ng mga totoong halaga nito, ayon pa kay Tañada.

Lumalabas na pinaliit nila ng halos P16.9 milyon ang halaga ng tatlong properties na nabanggit, kaya malinaw na panlilinlang ito ni Corona sa kanyang SALN.

Ayon sa 2010 SALN ng punong mahistrado, nabili lamang niya ang Bellagio property sa halagang P6.8 milyon, ang Bonifacio Ridge unit sa halagang P2.3 milyon ang  unit sa The Columns na P1.2 milyon.

Bukod dito, ayon pa sa mga tagapagsalita ng prosekusyon, mayroon pang dalawang pag-aari si Corona na idineklara lamang sa kanyang 2010 SALN kahit matagal na panahon nang nakapangalan sa kanila.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply