Paglago ng pananampalataya mensahe sa pista ng Sto. Niño

INIHAYAG ng isang Catholic bishop na ang pagpapalago sa pananampalatayang Katoliko ang matibay na mensahe ng pagdiriwang ng kapistahan ng Senior Sto. Nino bukas (Enero 15).

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, sa pamamagitan ng pista ay hinahamon at tinatawag ang lahat para sa pagkakaroon ng mayamang pananampalataya sa pamamagitan ng pagiging mabuting tagasunod ng Panginoong Hesus.

Ipinaliwanag ni Santos na ang pagpapalalim ng pananampalataya ay nangangahulugan ng pagbabago ng istilo ng pamumuhay at ng mentalidad upang maipakita na tayo ay mga responsableng anak ng simbahan.

Aniya pa, si Sto. Niño o ang batang si Hesus ay hindi nanatiling bata kundi lumaki at tinupad ang misyon para sa sangkatauhan.

Hinamon din ng obispo ang mga mananampalataya na labanan ang patuloy na pagsira sa moralidad ng sambayanan at higit sa sagradong buhay na kaloob ng Panginoon.

Nabatid na mismong si Manila Archbishop Luis Antonio Tagle ang mangunguna sa misa sa araw ng Kapistahan ng Mahal na Sto. Nino dakong alas-6:00 ng umaga sa Sto. Niño de Tondo Parish.

Ayon kay Fr. Bobby dela Cruz, assistant parish priest ng Sto. Niño de Tondo, matapos ang misa ay isasagawa ang grand procession na tinawag na “Lakbayaw Festival” kung saan isasayaw ng mga makikibahagi dito ang kani-kanilang dalang imahe ng Sto. Niño.

Kaugnay nito, nagkaroon ng mga pagbabago sa pista dahil sa halip na limang beses ang prusisyon, ginawa itong dalawa na lang, na ang isa ay ginawa nitong bisperas at isa naman sa mismong kapistahan.

Nabatid na malakas din ang pananampalataya ng mga tao kay Mahal na Sto. Niño dahil malapit siya sa mahihirap, busilak, inosente, walang paghahatol at madaling lapitan maging mga ordinaryong bata.

Pinagagaan din umano ng Sto. Niño ang pagdurusa ng mga taong lumalapit sa kanya.

Tiniyak naman na ng mga awtoridad ng Manila Police District na nakalatag na ang kanilang seguridad para matiyak na magiging generally peaceful ang pagdaraos ng pista.

Kasabay nito, inatasan ni Lim si Manila Police District Director P/Chief Supt. Alex Gutierrez na tiyakin na magiging tahimik, maayos at mapayapa ang Tondo Town Fiesta.

Ayon kay Lim, na isa ring lehitimong taga-Tondo, hindi kailangan na mabahiran ng karahasan ang masayang pagdiriwang ng kapistahan  na kadalasan ay nagmumula lang sa kulitan haggang sa mauwi sa rambulan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply