Pagsasabatas ng FOI bill nasa kamay ng Kongreso

SINUPORTAHAN ng dalawang miyembro ng Kamara de Representantes ang desisyon ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na isulong ang agarang pagsasabatas ng Freedom of Information (FOI) bill.

Ayon kay Deputy Speaker Erin Tañada III, nasa kamay na ng Kongreso ang pagsisikap na mapaspasan ang pagsasabatas ng nabanggit na panukalang batas bago mag-Hunyo 2012.

“Ikinagagalak ko ang pahayag ng Palasyo tungkol sa Freedom of Information bill. Ngayon ay nakasalalay na sa Kongreso ang pagtatrabaho para sa pagpapasa nito bago dumating ang Hunyo 2012,” ani Tañada.

Inihayag din nito na magsasagawa siya sampu ng ibang mambabatas na sumusuporta sa FOI bill na tatalakayin nila kay Speaker Feliciano Belmonte, Jr., ang susunod na mga hakbang upang matupad ang kanilang layunin.

Pinapurihan din ni Tañada, na pangunahing nagsulong sa FOI, si Pangulong Aquino dahil sa pagtitiyak nitong ibubukas ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa madla ang lahat ng transaksyon ng mga ito.

Gayundin ay binigyan niya ng kasiguruhan na mananagot ang sinumang liliwa mula sa tuwid na pamamahala.

Bagama’t nasa oposisyon ay sumusuporta rin si House Assistant Minority Leader at Zambales Rep. Mitos Magsaysay sa mabilis na pagpapasa ng FOI.

Binigyang-diin ni Magsaysay na ang maagang pagpapasa sa FOI ay maaaring maging susi upang mapanagot ang mga opisyal ng pamahalaan na mapapatunayang pumasok sa maanomalyang transaksiyon at lumabag sa sinumpaang tungkulin sa sambayanan.

Ito rin aniya ay makapagbibigay sa mga Filipino ng kalayaan na maghusga at magdesisyon tungkol sa mga isyu batay sa kanilang aktuwal na merito, at hindi dahil sa paninira at pamumulitika.

Subalit iginiit rin naman ni Magsaysay na susuportahan niya lamang ang dating version ng FOI at hindi ang ikalawang bersyon nito na aniya’s “pinalambot” na.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply