Pagsibak kay Gatdula walang paglabag– PNoy

HINDI nilabag ng Department of Justice (DOJ) ang wastong proseso ng pagkakasibak National Bureau of Investigation Magtanggol Gatdula.

Ito ang depensa mismo ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III matapos palagan ng kampo ni Gatdula ang kawalan umano ng “due process” sa imbestigasyon sa kaso ng tinanggal na hepe ng NBI.

Hindi man lamang umano nabigyan ng pagkakataong sumagot ito sa akusasyong sangkot si Gatdula sa pagdukot at pangingikil sa isang Haponesang kinilalang si Norijo Ohara.

Sa isang ambush interview, inihayag ng Pangulo na nasabihan ni Justice Secretary Leila de Lima si Gatdula tungkol sa ginagawang imbestigasyon, bukod sa lumabas na rin ito sa media.

Mismong si De Lima ang nag-anunsyo ng pagsibak kay Gatdula na inaprubahan umano ni Pangulong Aquino.

Inirekomenda ng binuong fact-finding committee ang pagsasampa ng kasong kriminal at pagtanggal kay Gatdula sa puwesto.

“Sa investigation na ginawa, there was several occasions that he was informed either by the media or the secretary of justice herself and others of the question of Ohara being detained at the NBI,” ayon sa Pangulo.

Dagdag pa nito: “May orders to transfer the person to the Bureau of Immigration that was not carried out. That to me is insubordination.”

Nawalan na rin umano ng tiwala si De Lima kay Gatdula kaya ito pina-dismiss sa kanyang tungkulin.

“At the end of the day, the head of the principal agencies will be a person who has our trust and confidence. The trust is no longer there,” paliwanag ng Pangulo.

Samantala, wala pa ring napipisil si Pangulong Aquino na kapalit ni Gatdula kaya’t magtatalaga muna umano ng pansamantalang kapalit o officer-in-charge (OIC) sa nabakanteng posisyon ng NBI.

Pinabulaanan ni Presidente Aquino ang ulat na naglabas ng isang memorandum ang Office of the Executive Secretary na nagsasabing hindi dapat manggaling sa militar or kapulisan ang susunod na pinuno ng NBI.

“There’s no such thing,” anito.

Ngunit inamin ng Pangulo na may shortlist na ng mga posibleng kapalit ni Gatdula.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply