Pagsibak sa POEA administrator ipinasisilip

MAY posibilidad na nabigyan ng maling impormasyon si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III hinggil sa maayos na pamamahala ni  Administrator Atty. Carlos Cao, Jr. sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kaya umugong ang balita ng pagsibak sa kanya sa puwesto.

Ayon kay Migrante Middle-East regional coordinator John Leonard Monterona, may hinala sila na may nangyayaring banggaan sa pagitan ng mga baguhan at matatagal ng opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaya hindi nakikita ng mga datihan ang magagandang repormang ginagawa ni Atty. Cao bilang baguhan sa pamahalaan.

Sa loob lamang aniya ng isang taong panunungkulan ay marami ng magagandang repormang naipatupad si Atty. Cao sa POEA kabilang na ang maayos na proseso sa pagkuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) na personal niyang nasaksihan nang kumuha siya nito sa Balik Manggagawa Center sa punong gusali ng ahensiya sa Ortigas Avenue.

Si Atty. Cao rin aniya ang bumuwag sa sindikatong namemeke ng OEC na ipinamamahagi ng ilang recruitment agency kaya’t lumobo ang bilang ng mga nabibiktima ng human trafficking.

May hinala si Monterona na hindi nagugustuhan ng mga nakatataas kay Atty. Cao ang mga ipinatutupad niyang reporma sa hindi nila malamang dahilan kaya nagbibigay ang mga ito ng maling impormasyon sa Pangulong Aquino.

Nauna nang umugong na nakatakda ng palitan ni DOLE Undersecretary Hans Cacdac si Atty. Cao bilang administrador ng POEA at ang lagda na lamang ng Pangulong Aquino ang kailangan upang maipatupad na ang balasahan.

Dahil dito’y pinayuhan ng grupong Migrante ang Pangulo na suriin muna ang naging performance ni Atty. Cao sa POEA bago tuluyang sibakin sa puwesto at palitan ng antigong opisyal na tulad ni Cacdac.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply