Pagsuko ng suspek sa Ramgen slay tinaningan

ISANG linggong palugit ang ibinigay ng Parañaque City Police kay Ryan Pastera, alyas Bryan, isa sa mga sangkot sa pagpatay kay Ramgen Revilla na sumuko na bago siya tuluyang ilagay bilang isa sa most wanted person ng pulisya.

Ayon kay Chief Insp. Enrique Sy, hepe ng Task Force Ramgen, mas makabubuti kung boluntaryong susuko na lang si Pastera, tulad ng ginawa nina Glaiza Visda at live-in partner na si Jan Norwin dela Cruz na kusang sumama sa pulisya matapos isilbi ang warrant of arrest  na inilabas ni Parañaque Regional Trial Court Judge Fortunito Madrona ng Branch 274 kahapon.

Sa oras na hindi sumuko sa loob ng isang linggo si Pastera, ipakakalat na ng pulisya ang kanyang larawan at ituturing na isa sa most wanted person.

Kanina ay bigo ang pulisya na maisilbi ang warrant of arrest kay Pastera nang puntahan siya sa kanyang tirahan sa Las Piñas City at hinihinalang nagtago na matapos matuklasan na may inilabas ng arrest warrant ang korte laban sa kanya.

Maging ang mga tauhan ng National Bureau of  Investigation na nagsilbing escort pa ni Pastera nang maghain ng kanyang counter affidavit sa Parañaque City prosecutors office ay nabigong matukoy ang kinaroroonan nito.

Kaugnay nito’y naglabas na rin ng commitment order ang korte kina Visda at Dela Cruz kaya kasama na ng dalawa sa Parañaque City Jail na nasa ilalim ng pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology ang isa pang akusado na si Ramon Joseph “RJ” Bautista.

Nauna nang sinabi ni Visda na ngayong nadawit na siya nang tuluyan sa kaso ay nakahanda na siyang maghayag ng ibang detalye sa nangyaring krimen at sasabihin niya ito sa tamang lugar at tamang panahon.

Nananatili namang nakalalaya ang isa pang kapatid ni Ramgen na si Maria Ramona Belen Bautista na umalis ng bansa patungong Turkey sa kainitan ng usapin kaugnay sa pagkamatay ng kapatid.

Hindi pa naman nakapaglalabas ng resolusyon ang piskalya kaugnay naman sa pagkakasangkot ng mag-asawang Gail at Hiro Furuyama matapos ituro ni Janelle Manahan na sangkot din sa krimen.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply