Pagtatae pumapatay na, mediamen pinapatay ulit

NAGPAPATULOY ang kamatayan kahit saan sa mahal kong Pinas.

Kung hindi mamamatay ang mamamayan sa mga delubyo at landslide, sa mga sakit at sadyang pagpatay naman sila nadadale.

CHRISTOPHER GODERA GUARIN

Kabilang sa mga nasawi si Christopher Godera Guarin.

Isang broadcaster si Guarin ng DXMD radyo at publisher din ng pahayagang Tatak News Nationwide na nakabase sa General Santos City.

Pitong bala ang tumapos sa buhay ng ating kasamahan sa propesyon at pinakapinale sa pagpatay sa kanya ang pagpuntirya sa kanyang ulo na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.

Pinatay si Guarin sa harapan mismo ng kanyang asawa at maliit na anak.

Nakasakay sila ng kanilang sasakyan at pauwi na sila galing sa trabaho at miting dakong alas-10:30 ng gabi nang harangin sila sa Sunrise Subdivision, Lagao, General Santos City.

RIDING IN TANDEM

Riding in tandem ang pumaslang kay Guarin.

Nakasakay ang mga ito sa isang XRM na motorsiklo na may huling numero na 41 sa plate number.

Makaraan siyang paputukan habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan, lumabas ito at tumakbo ngunit hinabol siya ng mga kriminal at doon na siya tinadtad ng bala.

PANAWAGAN SA MGA AWTORIDAD

Isang susi sa krimen ang mga paglalarawan ni Gng. Guarin sa plaka ng motorsiklo at iba pang katangian nito.

Kung hindi peke ang plaka, mabuting ito ang mabilis na sundan ng mga awtoridad para dakpin ang mga kriminal.

Kung tutuusin, hindi na kailangan pang mag-utos si PNP chief General Nick Bartolome para tugisin ang mga mamamatay-taong ito.

Ito’y sa kabila ng malaking maitutulong, kung sakali, ang Task Force Guarin na itinatag kaagad ni Gen. Bartolome.

Kaya nananawagan tayo sa mga awtoridad sa lugar na kumilos sila nang mabilis para sa katarungan.

UTAK ANG HANAPIN

Halimbawang mga utusan lamang ang pumatay kay Guarin, dapat na malalim na imbestigahan ng mga awtoridad ang kaso at kilalanin ang mga nag-utos sa pagpatay.

Hindi dapat palampasin ang ganitong mga pagpatay na talagang sinasadya.

Kahit sino at ano pa ang katayuan sa pulitika, negosyo at lipunan ang may utak, dapat itong pagbayarin sa kanyang krimen.

PAGKITIL SA KALAYAAN

Malinaw ang isang mensahe sa pagpatay kay kasamang Guarin. Kasabay ng pagkitil sa kanyang buhay ang pagtatangka ng mga kriminal na kitlin din ang kalayaan sa pamamahayag.

Naniniwala ang mga kakilala at katrabaho sa media ni Guarin na may kaugnayan sa kanyang trabaho ang pamamaslang sa kanya.

Ito ang dapat na sundan din ng mga awtoridad sa paglutas sa krimen at pagkilala sa lahat ng sangkot dito.

HINDI SAPAT NA AKSYON

Nagpahayag ang Palasyo na didikitan nila ang kaso ng mediamen na may mga death threat.

Pinasasalamatan natin silang taga-Malakanyang. Subalit hindi sapat ito para maging ligtas ang mediamen sa kamay ng mga berdugo at Herodes na humahawak sa mga ito.

Dapat bawat napapaslang ay mahigpit na binabantayan ang kaso ng mga awtoridad. Alalahaning mabibilang lang sa daliri ang nakakasuhan sa umaabot  na sa 150 kasong pagpatay sa mediamen simula noong bumalik ang kalayaan sa pamamahayag noong 1986 o pag-upo sa puwesto ni Gng. Cory Aquino.

Nitong 2011, umabot sa pito ang pinaslang.

PATULOY ANG PAGPASLANG

Kung tutuusin, kasisimula pa lang ng taong 2012 pero may pinatay nang mediaman. Si Guarin ang kauna-unahang biktima sa mahal kong Pinas at kauna-unahang pinatay sa mediaman sa buong Asya.

Dahil sa pangyayaring ito, itinuturing ngayon ng mga dayuhan na pinakadelikadong bansa ang Pinas sa mga reporter.

Nagpapatuloy ang tatak na napakadelikadong bansa makaraang maganap ang Maguindanao massacre na kauna-unahang massacre sa mediamen sa buong mundo na may ganyang karami ang namatay.

Kailan kaya tayo lalaya sa kamay ng mga berdugo at Herodes?

PAGTATAE PUMAPATAY NA

Hindi lamang malaking gastos ang kinahaharap ng mamamayan dahil sa sakit na pagtatae na nagaganap kahit saan sa bansa.

Sa Leyte, may naiuulat nang namamatay at pawang bata ang mga ito.

Hindi nakukuha sa mga reme-remedyo sa bahay ang sakit na dinarama ng mamamayan na pagtatae ngayon.

Kailangan ang ayuda ng mga doktor at ospital.

MEGA MANILA NADADALE RIN

Alam ba ninyo, mga Bro, na napakarami na rin ang mga dinadapuan ng diarrhea o pagtatae kahit sa Metro Manila?

Mayroon na ngang mga ospital na puno ng mga nagtatae.

Ang mga bata lalo na ay nagtatagal ng kung ilang araw sa mga ospital.

Pami-pamilya, mga Bro, ang mga natatamaan.

Ang masama pa, walang malinaw na dahilan sa sakit na ito.

DAPAT TUTUKAN

Dapat tutukan nang husto ng mga awtoridad ang sakit na ito na nagiging misteryoso sa maraming doktor.

Misteryoso dahil hirap na hirap ang mga doktor sa pagtuklas sa sanhi ng sakit.

O Sec. Iking Ona, mas marami ang itinutumba ng pagtatae kaysa itinumba ng paputok nitong Pasko at Bagong taon.

Kiloooosss!

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply